Nagpaalam na si Janus del Prado sa talent management agency na nag-alaga sa kanyang career sa nakalipas na 21 taon—ang Star Magic.
Sa susunod na buwan nakatakdang matapos ang kontrata ng 36-year-old Kapamilya actor sa Star Magic, ang talent management arm ng ABS-CBN.
Bunsong anak ng yumaong character actor na si Renato del Prado (1940-2013), si Janus ay contract artist ng Star Magic simula noong 2000.
Sa pamamaalam ni Janus sa Star Magic, sa kanyang latest Instagram post ngayong Biyernes, February 19, binalikan ng aktor ang pagsisimula ng kanyang career sa ABS-CBN sa edad na 15.
Ito ay sa pamamagitan ng pagpo-post niya ng sariling photos noong kanyang teenage years.
JANUS THANKS STAR MAGIC
“Thank you Star Magic (Talent Center) for making me a part of your family for more than 2 decades (21 years),” mababasa sa caption ni Janus.
Ayon kay Janus, inilunsad ng ABS-CBN ang kanyang career bilang miyembro ng Star Circle Batch 9.
Kasabayan ni Janus sa Star Circle Batch 9 sina Angel Locsin, Heart Evangelista, Coco Martin, Rafael Rosell, at Alwyn Uytingco.
“From when I was just 15, training to be one of your talents in Star Circle Batch 9 (which I am) to Gmik, Qpids, etc, to now that I'm 36 years old doing Tito roles. [grinning, squinting emoji]”
Ang weekly youth-oriented show na G-mik ang unang project ni Janus sa ABS-CBN bilang Star Magic artist. Umere ito noong 2000.
Samantalang reality love-team search naman ang Qpids, na napanood sa Kapamilya channel noong 2005.
“I WILL ALWAYS AND FOREVER BE GRATEFUL”
Patuloy ni Janus: “Next month, my management contract with you may end but not my support and love for the whole Star Magic Family.
“I will always and forever be grateful.
“It has been one hell of a ride.
“Till we meet again. [red, green, blue heart emojis]”
Kabilang sa mga hashtags na ginamit ni Janus sa post niyang ito ang “#freelancer.”
Nangangahulugang pagkatapos mag-expire ng kontrata niya sa Star Magic sa susunod na buwan ay magiging freelance actor na si Janus.
JANUS del prado CAREER
Five years old lang si Janus nang magsimula siyang gumanap sa sari-saring bit roles, na resulta ng regular niyang pag-o-audition.
Napanood pa si Janus sa GMA-7 teleseryeng Kadenang Kristal noong 1995 bago siya pumirma ng kontrata sa Star Magic makalipas ang limang taon.
Kabilang sa mga teleseryeng ginawa ni Janus sa ABS-CBN ang Lobo (2008), A Beautiful Affair (2012), The Legal Wife (2014), at The Story Of Us (2016).
Taong 2016 nang mapanood siya sa FPJ’s Ang Probinsyano, habang ang Starla (2019) naman ang huling teleserye niya bilang Kapamilya.
May appearance din ni Janus ang mga pelikulang One More Chance (2007), A Second Chance (2015), at Four Sisters and A Wedding (2013).