Umalma ang fans ni Vivoree Esclito matapos gawing katatawanan umano ang hitsura niya sa ABS-CBN noontime show na It's Showtime.
Si Vivoree, 20, ay kilalang ex-housemate ng ABS-CBN reality franchise show na Pinoy Big Brother: Lucky 7 noong 2016.
Martes ng tanghali, February 23, nang mabanggit ang pangalan ni Vivoree sa "Hide and Sing" segment ng show kunsaan pinahuhulaan kung sino ang legit singer sa tatlong pagpipiliang contestants.
Unti-unting ipinakita ang balbong braso ng tinaguriang Tago-Kanta contestant No. 1 para bigyan ng clue ang It's Showtime hosts na hulaan kung sino ito.
Sabay hirit ng co-host na si Jugs Jugueta, "Si Vivoree iyan!"
Napahinto ang It's Showtime hosts dahil sa biro ni Jugs tungkol kay Vivoree na hindi bahagi ng show.
Malumanay na sita ni Karylle kay Jugs, "Grabe kayo! Jugs, ako I'm a very balbon girl also. Ganun lang talaga."
Si Vice Ganda ay bahagyang natawa habang napahawak sa batok.
Ani Vice, "Sumakit ang batok ko kay Jugs."
Humingi ng dispensa si Jugs sa tinuran niya.
"That was just a joke. I'm sorry," aniya.
VIVOREE'S REACTION
Tila nakarating kay Vivoree ang binitiwang salita ni Jugs tungkol sa kanya.
Hapon ng Martes, February 23, nag-post si Vivoree ng isang malamang mensahe sa kanyang Twitter.
Tweet niya: "when someone makes fun of your looks, let our response be 'gwapa/gwapo gihapon [maganda/gwapo pa rin]."

Ni-repost din ni Vivoree ang kanyang tweet noong 2019 tungkol sa mga bumabatikos sa kanyang hitsura.
Hindi raw apektado si Vivoree.
Pero apela niya, hindi tamang manlait ng ibang tao.

Ni-repost din ni Vivoree ang komento ng isang netizen na huwag sanang gawing "JOKE on NATIONAL TV" ang panlalait sa hitsura ng ibang tao.

Sa pamamagitan ng Instagram Story, nagbahagi rin si Vivoree ng quote card na nagsasabing "DON'T YOU DARE MAKE ME FEEL ASHAMED OF MY BODY."

"NO TO BODY SHAMING" TRENDS ON TWITTER
Dumagsa ang tweets na "NO TO BODY SHAMING" mula sa supporters ni Vivoree.
Nag-trend ang "NO TO BODY SHAMING" noong gabi ng Martes, February 23, pati na rin ang pangalang "Vivoree" nitong umaga ng Miyerkules, February 24.
Ayon sa fans, hindi raw ito ang unang pagkakataong ginawang katatawan sa It's Showtime ang pagiging balbon ni Vivoree.



May nag-retweet ng video clip kunsaan makikitang ipinakita ang makapal na kilay ng isang "Hide and Sing" contestant habang pinuhuhulaan sa hosts kung sino ito.
Kuha raw iyon sa nauna pang episode ng It's Showtime.
Hirit ni Jugs noon, "Ay! Kilala ko iyan! Si Vivoree!"
Sang-ayon ni Vice Ganda, "Si Vivoree 'yan!"
Sabi naman ni Jhong Hilario, "Tapos na si Vivoree."
Tila ang tinutukoy ni Jhong ay ang pagsali ni Vivoree sa "Hide and Sing" noong February 13.
Hirit uli ni Vice, "Sumali ulit siya pangalawa. Kasi si Vivoree sasali tatlong beses para maging Vivo-three."
Nagtawanan ang ibang It's Showtime hosts dahil sa hirit nina Jugs at Vice.
VIVOREE'S INSECURITY
Naalala rin ng ibang netizens na alam daw ni Vice na "insecurity" dati ni Vivoree ang pagiging balbon nito.
Ni-repost nila ang video clip mula sa guest appearance noon ng dalaga sa Gandang Gabi Vice, ang defunct weekly late-night talk show ni Vice Ganda.
Sabi ni Vice kay Vivoree, "Si Vivoree, di ba, dati nung nasa PBB ka, sobra kang insecure kasi mabuhok ang mukha mo?"
Bukas kasi sa pagsasabi si Vivoree na madalas siyang binu-bully noon dahil sa kanyang pagiging balbon.
Sa dating panayam ng defunct talk show na Tonight With Boy Abunda, inihayag ni Vivoree na may mga tumutukso raw sa kanya noong "Pinaglihi ka ba sa unggoy?"
Pero natutunan daw niyang ipagkibit-balikat ang masasakit na komento ng iba.
"I just shrug it off and go on with life. Kasi their opinions don't matter naman," ani Vivoree.
Mas mahalaga raw sa kanya ang opinyon niya sa sa sarili o kaya naman ay mga taong nagmamahal sa kanya.
