Nasa recovery stage na ang ABS-CBN News broadcaster na si Doris Bigornia, 55, matapos ang kanyang open-heart surgery.
Ito ang ibinalita ng anak niyang si Nikki Bigornia sa Twitter kagabi, March 1.
Nagpasalamat si Nikki sa lahat ng mga nagdasal para sa kaligtasan ng ina. Pero hiling pa rin niya ang mas maraming dasal para sa tuluyang paggaling nito.
Sabi ni Nikki, “Maraming salamat po sa lahat ng nagdasal at patuloy na nagdarasal para kay mommy.
“Natapos na po ang surgery niya nung isang araw at successful po ito. Subalit, patuloy po kaming humihingi ng inyong mga dasal para sa tuluy-tuloy na recovery ni mommy [praying hands emoji]”
Nagpapasalamat din daw ang kanyang ina sa mga nagpaabot ng mensahe at pagmamahal nang mabalitaan ang kalagayan ng broadcaster..
Saad pa ni Nikki, “Naiparating ko na rin po ang inyong mga mensahe at pagmamahal, at siya po ay taos-pusong nagpapasalamat sa inyong lahat (heart emoji)”
Dagdag pa niya, “Ako rin po at ang aming pamilya ay nagpapasalamat sa inyong lahat. Dahil nabigyan niyo po kami ng lakas at pag-asa
“Mahal na mahal namin kayo [heart emoji]”
DORIS SUFFERS HEART ATTACK
February 23 nang atakihin sa puso ang mamamahayag.
Ito ang ibinalita ng kanyang co-host sa TeleRadyo program nilang SRO na si Alvin Elchico.
Sabi ni Alvin: “Bago po tayo mag-umpisa, dahil marami po kasi ang nagtatanong, so nagpaalam po ako sa pamilya ni Mutya ng Masa, Doris Bigornia, na sabihin po sa inyo…
“Pinapasabi lang po, ang Mutya ng Masa, siya po’y inatake sa puso noong Linggo, papuntang Lunes.”
“Siya po’y isinugod sa ospital at ngayon po’y nasa ICU. Kakailanganin po ng ano, e, open-heart surgery.”
