Nagpositibo sa COVID-19 si Philippine National Police (PNP) Chief General Debold Sinas.
Ito ay batay sa resulta ng huling swab test result sa kanya ngayong Huwebes, March 11.
Matapos makuha ang resulta ng Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test sa PNP Chief, kaagad siyang pinayuhan ng mga doktor sa PNP Health Service na sumailalim sa health assessment.
Sa isolation facility sa PNP headquarters sa Camp Crame sa Quezon City inaasahang mananatili si Sinas.
Kinumpirma ni PNP Spokesman Brigadier General Ildebrandi Usana ang pagpopositibo sa COVID-19 ni Sinas.
Sinabi naman ni Usana na maayos ang kalagayan ng PNP Chief sa ngayon.
Ayon sa media reports, sumailalim si Sinas sa RT-PCR nitong March 6 at March 9, at parehong negatibo ang resulta nito.
Sinabi ng mga doktor sa PNP na posibleng nahawahan si Sinas ng virus sa nakalipas na 24 hanggang 48 oras bago siya sumailalim sa panibagong RT-PCR nitong Huwebes ng umaga.
Miyerkules, March 10, ay pinangunahan pa ni Sinas ang oath-taking at donning of ranks ceremonies para mga bagong promote na pulis na idinaos sa PNP Multi-Purpose Center sa Camp Crame.
