Nagpaabot ng tulong si Aiko Melendez sa mga residente ng Barangay Sta. Lucia sa District 5 ng Quezon City noong Martes, March 23, 2021.
Ginawang Special Concern Lockdown Area ang naturang lugar, kung kaya't naisipan ni Aiko na magbigay ng grocery items para may makain ang mga residente.
Nasa 150 families o humigit-kumulang sa 480 na tao ang nakatanggap ng supot na may bigas, spaghetti, at iba pang canned goods.
Bakit doon niya napiling mamahagi ng tulong?
"Kasi taga-District 5 ako kaya nagpadala ako ng help sa Sta. Lucia, kasi malapit lang sa akin iyong lugar so I kinda felt the need to help them," sagot ni Aiko sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) via Facebook private messaging noong March 22.
Sa Instagram account ni Aiko, nagpasalamat siya sa mga taong nag-assist sa kanya sa pamamahagi ng "munting tulong."
Aniya, "Pagpasensiyahan niyo na po ang nakayanan ko po at huwag po kayo panghihinaan ng loob sa mga nangyari at lagi ko pong ipinagdarasal na sana ay malampasan natin ng maayos at ligtas ang pagsubok na dumarating sa atin.
"Hindi po matatawaran ang katapangan at katatagan ng loob nating mga taga-Quezon City lalo na dito sa atin sa Distict 5.
"Kaya sumunod lang po tayo sa health protocol ng ating pamahalaan dahil para din po ito sa ating kaligtasan.
"Stay safe. God bless!"
Samantala, sa pamamagitan pa rin ng private messaging, tinanong ng PEP.ph si Aiko kung ano ang greatest lesson o aral na natutunan niya ngayong panahon ng pandemya.
Aniya, "The greatest lesson is habang may oras ka, ilaan mo ito sa mga taong mahal mo. Lalo na, na tomorrow is never certain."
Ano naman ang bagay na hindi niya nagawa bago pandemya?
"Ang bagay na hindi ko nagawa bago mag-quarantine was iyong mga trabaho ko na nakabinbin.
"Na dapat pala ginawa na iyon lahat bago mag-pandemic para sana ngayon hindi nasayang iyong mga materyal nung project.
"Like iyong three movie projects ko, kasi hindi ko akalain na matatagalan pala bago ako makagawa uli."
Isa rito ay isang pelikula kung saan ang First Yaya male lead na si Gabby Concepcion ang makakasama niya.
