#BakunaNowNa
Magbibigay ang GMA Network ng libreng bakuna kontra COVID-19 sa mga empleyado at exclusive talents nito.
Sa official statement ng Kapuso network nitong Martes, March 30, sinabing Moderna COVID-19 vaccine ang gagamitin para bigyang-proteksiyon laban sa virus ang mga empleyado ng kumpanya.
Voluntary basis ang gagawing pagbabakuna sa lahat ng regular at probationary employees, project employees, at exclusive talents ng GMA—ang itinuturing na “best assets” ng network.
“Ensuring the health and well-being of our Kapuso is our utmost priority as we truly value our people as our best assets,” sabi ni GMA Network Chairman-Chief Executive Officer Felipe L. Gozon.
“As a result, this vaccination coverage will enable us to continue delivering Serbisyong Totoo to the public as we all strive to win against this pandemic,” dagdag ni Gozon.
Ang free vaccination program ng network ay alinsunod sa target ng gobyerno na mabakunahan ang mga Pilipino laban sa COVID-19.
Layunin ng GMA na tiyakin ang kalusugan at proteksiyon ng mga empleyado nito ngayong patuloy na dumadami ang mga nagpopositibo sa COVID-19 sa bansa.
Kahapon, March 30, umabot sa 9,296 ang nadagdag sa mga nagpositibo sa COVID-19 sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH).
Dahil dito, 124,680 na ang kasalukuyang ginagamot sa virus.
Sa kabuuan, sumampa na sa 741,181 ang confirmed COVID-19 cases sa Pilipinas simula noong January 30, 2020.
Sa bilang na ito, 13,191 na ang binawian ng buhay.

