Tila balewala sa GMA-7 ang paniniwala na malas ang No. 13 dahil kaninang alas-dos ng hapon, December 13, ay nag-first taping day na ang bagong telefantasya ni Robin Padilla sa Kapuso network, ang Joaquin Burdado mula sa nobelistang si Carlo J. Caparas. Sa Vermont Park sa Marcos Hi-way ang taping ng pilot episode na balita namin ay aabutin ng ilang taping days dahil maraming special effects na gagawin.
Kuwento ng manager ni Robin na si Betchay Vidanes, humanga raw si Robin nang mapanood nito last Tuesday evening, December 11, ang nai-shoot na cinema ad ng Joaquin Burdado dahil sa special effects na ginamit—na ayaw muna niyang sabihin kung ano para hindi raw ma-preempt ang mga manonood sa sinehan sa festival. Mapapanood ang naturang ad sa mga sinehan simula December 25 during the 2007 Metro Manila Film Festival.
Ang Joaquin Burdado ang isa sa mga ipalalabas na programa ng GMA-7 simula January 2008, kung saan makakatambal ni Robin for the second time si Iza Calzado. Una silang nagkasama sa digital film na Blackout ng Unitel Films. Kasama rin nila rito sina Mark Herras na gaganap na pasaway na kapatid ni Robin; si Ryza Cenon na magiging love interest ni Mark; si Cristine Reyes na magkakaroon daw ng kissing scenes kay Robin; at si Iwa Moto.
Si Mac Alejandre ang magdidirek ng Joaquin Burdado, na magsisimulang mapanood sa January 2008.
"Pero kahapon [December 12], naging busy day ito para kay Robin," kuwento ng manager ng action superstar. "Noong umaga, tumanggap siya ng pagkilala as Ambassador for Peace mula sa Global Peace Festival 2007 sa Quirino Grandstand. Si Robin daw kasi ang isa sa mahusay na negotiator kung may mga problema ang gobyerno, lalo na kung tungkol sa mga kapatid niyang Muslim. Marami pang ibang awardees, kasama na si Manny Pacquiao."
Dagdag pa ni Betchay, pagkatapos ng awarding ay tumuloy si Robin sa story conference sa Viva office para sa pelikulang pagtatambalan nila ni Ai-Ai delas Alas, ang Ikaw Pa Rin. Ang naturang pelikula ay ididirek ni Wenn Deramas mula sa script ni Mel del Rosario.
Kuwento ni Betchay, "Noong una, nagkakahiyaan sina Robin at Ai-Ai dahil noon lang naman sila talaga nagkausap. Pero later on, comfortable na sila sa isa't isa, nagbibiruan na sila. Sa December 19 na ang first shooting day nila at nagbigayan ang dalawa sa schedules nila para walang conflict. Naunang nagbigay ng schedule si Ai-Ai dahil si Direk Wenn din naman ang nagdidirek ng bagong TV series niyang Volta. Sa susunod na buwan, si Robin naman ang magbibigay ng schedule ng taping niya ng Joaquin Burdado."
Para sa taping naman niya ng Joaquin Burdado, nagbigay na rin si Robin ng schedule niya sa GMA-7 hanggang December 21 dahil magbabakasyon muna siya at ang kanyang pamilya during the Holiday season. Hindi pa lang alam ni Betchay kung saan, pero sigurado raw na hindi sa Australia dahil summer ngayon doon. First week of January 2008, babalik na rin sa bansa si Robin para i-resume ang taping at shooting niya.