Emosyunal si Kim Chiu sa birthday greeting niya kay Vice Ganda noong Huwebes, April 15, 2021.
Isa-isang nagbigay ng mensahe para kay Vice ang hosts ng It’s Showtime para sa kanyang belated birthday celebration.
Ito kasi ang unang pagkakataon na muling nag-live ang It’s Showtime pagkatapos pansamantalang mag-ere ng replays nang ilang linggo simula March 21 dahil sa tumataas na COVID-19 cases sa Pilipinas.
Nagdiwang ng ika-45 na kaarawan si Vice noong March 31, 2021.
Sinimulan ni Kim ang greeting niya kay Vice ng isang “thank you.”
Napansin naman ni Vice agad na parang naiiyak si Kim.
Natatawang sagot ni Kim, “Pero nakakaiyak kasi talaga kasi.
“Sa totoo lang kasi, yung emotions natin ngayon is so mega ano, extra sensitive tayo.
“Pero, ma, I just want to say thank you na tinanggap mo ako dito.
“Oh, naiiyak na naman ako! Birthday ko ba?”
Dito ay tuluyan nang naiyak si Kim.
At saka niya sinabing, “Kasi may iba, hindi nila ako masyadong tanggap dito.”
Bigla namang sumingit si Karylle at sinabing tanggap nilang lahat si Kim.
Sabi niya, “Wala? Lahat kami! Tanggap natin, di ba? At mahal natin!”
Paglilinaw naman ni Kim kay Karylle, “Wala na siya. Ha-ha-ha!”
Tugon ni Vice kay Kim, “Wala naman na siya, hayaan mo na! Ha-ha-ha!”
Paalala naman ni Amy Perez sa dalawang hosts: “Live 'to! Huy!”
Mangangahulugang wala na sa It’s Showtime ang tinutukoy ni Kim na hindi siya “masyadong tanggap” sa programa.
Pero walang nabanggit na pangalan o kahit na anong pahaging kung sino ito.
September 28, 2020 nang unang pumasok si Kim bilang host ng programa.
Sa kasalukuyan, marami na ring key people ng It’s Showtime—mula sa regular hosts hanggang sa namumuno sa produksyon—ang nawala sa programa.
Sa mga hosts, hindi na napapanood sa programa si Mariel Rodriguez. Hindi pa rin nagre-report sa studio si Anne Curtis.
September 2020 naman nang mawala sa programa ang dating business unit head ng It’s Showtime na si Peter Dizon, na ngayon ay Head of Business Development na sa Cignal TV.
Ang tumatayong business unit head ngayon ng It’s Showtime ay sina Reily Santiago at Leilani Gutierrez.
November 2020 naman nang mabalita ang pagre-resign ng direktor at creator ng It’s Showtime na si Bobet Vidanes, na ngayon ay nagsisilbing director sa Born To Be A Star ng TV5.
Si Boyet Baldemor na ngayon ang tumatayong direktor ng It’s Showtime.
VICE AS THE FOUNDATION OF IT’S SHOWTIME
Nang mahimasmasan sa pagtawa ay bumalik si Kim sa pagiging seryoso para ipagpatuloy ang mensahe niya para kay Vice.
“Thank you for being so generous, sobrang very giving mo sa aming lahat dito.
“Medyo natatakot kami mag-joke. Hindi namin alam kung nakakatawa o hindi pero sinasalo mo kami. Minsan hindi pero… Hahaha!”
Biro ni Vice kay Kim, “Iyon ang joke, e. Kapag di ka sinapo, iyon ang joke!”
Muli, nagpasalamat si Kim sa “kindness” at mga “pangaral” ni Vice hindi lang sa kanya kundi maging sa mga bumubuo ng It’s Showtime, kabilang na ang contestants ng segment na “Tawag ng Tanghalan.”
Patuloy ni Kim, “Salamat for being so generous, sobrang very giving mo and then your kindness shows.
“Lalo na kapag 'Tawag ng Tanghalan,' yung mga pangaral mo sa 'TNT' contenders, pati kami nasasali mo sa pagtingin mo sa buhay.
“Yung outlook mo na look at life in a positive way, iyon lagi yung binibigay mong advice sa lahat ng tao, and ang dami kaming nai-inspire mo with everything that you do.”
Tinawag din ni Kim si Vice bilang “foundation” ng It’s Showtime.
“Kaya thank you for being a sunshine to everyone of us and thank you for being the foundation, foundation day dito sa Showtime and salamat for being you. Maraming salamat, mama!”
Nang matawa ang hosts dito, ipinaliwanag ni Kim ang ibig niyang sabihin.
Saad niya, “Kasi kapag ikaw nagli-lead, gagawin talaga namin lahat. Kapag hindi mo sasabihin, hindi namin gagawin. Kapag hindi ka papasok, hindi kami papasok! Ha-ha-ha!”
Dagdag naman ni Amy, si Vice daw ang nagpalakas ng kanilang loob noong panahong “umuuga ang bangka” ng kanilang programa.
Hindi man binanggit ni Amy ang tinutukoy niyang panahon, pero isa sa mga pagsubok na pinagdaanan ng programa ay nang hindi ma-renew ang prangkisa ng ABS-CBN noong July 2020.
Ani Amy, “Thank you for being our strength kasi noong panahong umuuga ang bangka, ikaw ang tumayo at sinabi mo, sumigaw ka ng ‘Kapit!’
“Kahit alam mong nahihinaan na kami ng loob, ikaw kahit na alam mo sa sarili mo nanghihina ka rin, pero tumayo ka, sumigaw ka at sinabi mong, ‘Kapit, walang bibitaw, kaya natin 'to,’ and we appreciate that.”
