Inamin ni Donnalyn Bartolome na nakatanggap na siya ng indecent proposals, pero hindi raw umubra ang mga ito sa kanya.
Si Donnalyn, 26, ay isang actress/singer/vlogger na huling napanood sa pelikulang Tililing nitong 2021.
Isa raw sa mga matinding indecent proposal na natanggap niya ay mula sa isang prinsipe sa ibang bansa na nais siyang magbuhay-prinsesa.
Handa raw siyang bigyan ng private jet at mansyon.
Ani Donnalyn, "I've had indecent proposals. May nag-email sa akin, babayaran ako ng isang gabi just to go on a date... Totoo, may nag-offer ng ganun.
"Meron ding prince sa ibang bansa... nakakatawa!"
Kinumpirma ito ng manager ni Donnalyn na si Toby Ayre.
Sabi ni Toby, "I remember the first ones. Lamborghinis... offering gold... offering cash..."
Natatawang biro ni Donnalyn, "Why didn't you sell me, Toby?"
Sagot ni Toby, "Because I don't sell people. I'm certainly not gonna sell you."
Ayon kay Donnalyn, nagagalit ang kanyang manager kapag nalalaman nitong nakakatanggap siya ng indecent proposals dahil hindi raw siya tipo ng babaeng papatol sa ganun.
Base ito sa YouTube vlog ni Donnalyn noong May 3.
DONNALYN'S POSER IS LOOKING FOR A SUGAR DADDY
Isinapubliko rin ni Donnalyn ang poser niya sa Facebook na ginagamit ang kanyang mga litrato para makahanap ng sugar daddy.
"There's this person posing as me online, ta's naghahanap siya ng sugar daddy.
"Ginagamit niyang name 'Jessie Mindosa.'
"Nagpo-post siya sa 'OFW LDR for Singles and Single Parents' on Facebook."
Nagpakilala ang tinukoy ni Donnalyn na "Jessie" bilang isang "single mom" na naghahanap ng "makakatuwang sa buhay" na kaya raw silang "buhayin mag-ina."
Gamit ni "Jessie" ang lumang litrato ni Donnalyn kasama ang baby brother ng actress-vlogger.
Reaksiyon ni Donnalyn, "Ginawa mo akong single mom! Wala pa akong anak, ano ba!
"Ginawa mo akong single mom na naghahanap ng sugar daddy. Walangya ka!"

MESSAGES FROM SUGAR DADDY APPLICANTS
Nagulat daw si Donnalyn dahil maraming nag-reply sa kanyang poser na hindi napapansing peke ang ginamit nitong photos.
"Pawisin pa yung kinuha niyang photo ko para medyo kapani-paniwala. May naniwala sa kanyang mga daddy.
"Siyempre, hindi ko naman target market ang sugar daddy!" manghang bulalas niya.
Isa-isa ring binasa ni Donnalyn ang mensahe ng mga kalalakihang handang buhayin ang kanyang poser at ang anak nito.
"Sabi dito sa top comment, 'Ako na bahalang bumuhay sa inyo wala ka ngang kisame.'"
Tumulo raw ang laway ni Donnalyn sa kakatawa dahil nag-post pa ang sugar daddy applicant ng litrato nito na makikitang walang kisame ang tirahan nitong bahay.
"Grabe ang savage mo naman," sabi ni Donnalyn sa male netizen.
Dagdag niya, "Isipin niyo, gusto niya kumupkop kahit yung buhay niya hindi marangya kasi wala pang pang-ceiling."
May binasa rin si Donnalyn na mensahe ng isa pang sugar daddy applicant na nagsabing, "Saan ka po? Kunin na kita."
Natatawang sagot ni Donnalyn, "Nakakatakot! Driver ata ito ng puting van... Para akong kuting na pinost."
Naloka rin si Donnalyn sa sugar daddy applicant na nagkomento ng "mine."
Ani Donnalyn, "Ni-mine niya ako. Ay, online selling? Parang binili ako."
Sabay biro niya, "Pero depende naman kung sino yung nag-type. Kung type ko, 'yours,' yun ang reply!"
Halatang hindi sineseryoso ni Donnalyn ang comments.
Hirit niya, "Paano ba 'yan? Pawisan pa nila ako nakita niyan. Paano pag nakaligo na ako? Hahaha!"
Sa huli, nilinaw ni Donnalyn na hindi niya kailangan ng sugar daddy para umangat sa buhay.
Paalala niya sa mga ibang kababaihan: "Be a girl who can take care of yourself. Pinakamasarap sa feeling yun, e. You know you are fine on your own."
