Dumating na sa Seminole Hard Rock Hotel & Casino sa Hollywood, Florida ang Pinay businewoman na si Olivia Quido-Co, owner ng O Skincare and Spa, para sa Miss Universe 2020 pageant.
Si Olivia, kilala rin bilang Miss O, ang official skin-care partner ng Miss Universe 2020 pageant.
Isa si Rabiya Mateo sa mga unang kandidata na nakita ni Miss O nang dumating ito sa hotel kung saan gaganapin ang grand coronation night ng pageant.
View this post on Instagram
Bago tumungo papuntang Florida si Miss O, nakapanayam siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng press tungkol kay Rabiya at ilan pang Miss Universe candidates nitong Sabado, May 8, 2021, via Zoom.
Si Rabiya agad ang nasambit ni Miss O nang tanungin kung sinong kandidata ang nag-standout para sa kanya.
Nakasama ni Miss O si Rabiya nang bumisita ang huli sa kanyang spa sa Los Angeles, California kasama sina Miss El Salvador Vanessa Velásquez at Miss Colombia Laura Victoria Olascuaga noong April 2021.
HER IMPRESSION OF RABIYA
Sabi ni Miss O, "Ang sa akin, nagbigay ng magandang impression si Rabiya kasi yung kasama ko siya on and off camera, malalaman mo na mabait na bata.
"At saka kung ano yung mga pangarap niya sa buhay, ikinukuwento niya from the heart."
Para kay Miss O, isa sa magandang katangian ni Rabiya ay kung gaano ito ka-focused para maabot ang kanyang mga pangarap.
"Yung ano niya, focus from the goal. As in literally focused talaga siya sa kung anong gagawin niya.
"Alam mo yung may mga time na sinasabi nga na know when it's time to peak, di ba? 'Yon yung ina-advice ni Miss Pia Wurtzbach sa kanya.
"Kasi may mga time na nagpapahinga ka rin, e. May mga time kailangan hindi mo ibubuhos lahat ng energy mo sa pre-pageant pero nag-aaral ka nang mabuti.
"So, by the time na kailangan mo ilabas lahat ng energy mo, yung ganun, I think 'yon yung napakagandang quality sa kanya. Kasi alam niya kung kelan niya ilalabas lahat, kailan niya magre-reserve nang konti.
"O kaya alam din niya kung kelan niya magpapahinga muna siya. Kasi kailangan natin yun e, hindi tayo puwedeng 'Go go go!' Kasi darating sa point na kung competition na, kung kailangan ka na, pagod ka na.
"So, I think nagre-reserve siya ng energy. I think 'yon yung edge niya."
Pinuri rin ni Miss O ang pagiging makabayan at hindi makasarili ni Rabiya.
Aniya, "Nakikita ko sa kanya yung pagiging patriotic niya, yung pagmamahal sa mga Pilipino. Kasi sinasabi niya lagi sa akin, 'Miss O, yung laban na ito talaga...'
"Behind closed doors, talagang off cam, 'Miss O, gusto ko talaga ito mapanalunan kasi gusto ko mapasaya mga Pilipino.'
"So, paulit-ulit niya yun sa akin sinasabi, paulit-ulit niya rin yun sinasabi sa mga interviews niya. Kasi yun talaga yung nasa puso niya na, 'Gusto kong maging proud ang mga Pilipinong nanonood sa akin ngayon.'
"I think 'yon yung edge niya."
Sa May 12, 2021 (May 13 sa Pilipinas) magkakaroon ng beauty session si Miss O kasama ang 74 candidates ng Miss Universe 2020.
Sa May 16, 2021 (May 17 sa Pilipinas) naman gaganapin ang grand coronation night ng pageant kung saan ipapasa ni Zozibini Tunzi ng South Africa ang kanyang corona sa panibagong titleholder.
