Lumabas ang pagiging fangirl ni Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo sa Thai actor na si Mario Maurer.
Sa kanyang Instagram Stories kagabi, May 11, ibinahagi ni Rabiya ang screenshot ng artikulo tungkol sa kanyang idolo na may good-luck message para sa kanya.
Caption ni Rabiya, “OMG!!! Fangirling rn.”
Ang ibig sabihin ng "rn" sa kanyang caption ay "right now."

Sa ginanap kahapon na virtual presscon ng TNT, kung saan isa si Mario sa bagong brand ambassadors, natanong ang Thai actor tungkol sa Ilongga beauty queen.
Tugon ni Mario sa ilang reporters, kabilang na ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “I heard that Rabiya is kind of a fan of mine, and I’m very happy to hear that.
“And you know I wish her good luck because I know she’s in the competition, so I wish [her] good luck.”
Bukod kay Mario, sabay ring inilunsad na endorsers ng nasabing telco company ang kapwa niya Thai idols na sina Nonkul Chanon at Gulf Kanawut.
Dumalo rin sa virtual conference ang Filipino endorsers na sina Sue Ramirez at Popstar Royalty Sarah Geronimo.
Samantala, ang grand coronation ng Miss Universe 2020 ay gaganapin sa Seminole Hard Rock Hotel & Casino sa Hollywood, Florida, sa May 16, 2021 (May 17 sa Pilipinas).
Use these Klook promo codes when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.
