Hindi lang fans ng vlogger na si Toni Fowler, 28, ang dumating sa inorganisa niyang meet and greet sa Quezon City kundi pati mga miyembro ng Quezon City Task Force Disiplina.
Si Toni ay kilalang vlogger na may 5.57 million subscribers sa YouTube at 5.51 million subscribers sa TikTok.
Nakarating sa awtoridad ang paglabag ni Toni sa ipinagbabawal na mass gathering dahil sa inorganisa niyang meet-and-greet event sa tindahan ng kanilang frozen products sa Cubao, Quezon City noong Mayo 18, Martes.
Sa ulat ng ABS-CBN News Online ngayong Miyerkules, inamin ni Toni na may 50 katao ang nagparehistrong dumalo sa kanyang event.
Pero higit pa roon ang dumayo sa puwesto ng tindahan ni Toni sa second floor ng isang commercial building sa Cubao, at sinasabing napuno ng tao hanggang sa kalye.
Mula alas dos hanggang alas singko ng hapon ang event, at bandang alas kuwatro ng hapon nang datnan ng awtoridad ang mass gathering doon.
Makikita sa Facebook ni Toni ang imbitasyon niya sa kanyang meet-and-greet event.

TONI fowler APOLOGIZES FOR SAFETY PROTOCOL VIOLATION
Tineketan ng Quezon City Task Force Disiplina si Toni pati na rin ang humigit-kumulang 34 katao sa lugar.
Hindi raw nasunod ang social distancing protocol at hanggang sampung katao lang ang pinapayagang magtipon, alinsunod sa safety protocol ng Inter Agency Task Force.
Humingi ng paumanhin si Toni sa pagkakamaling nagawa.
Sinabi rin niyang handa siyang panagutan ang multa na ipapataw sa kanya pati na rin sa mga taong dumalo sa event.
Bukod sa pagiging vlogger, si Toni ay naging tampok ng usap-usapan sa social media matapos niyang ireklamo sa programa ni Raffy Tulfo ang kontrobersiyal na hiwalayan nila ng dating partner niyang si Rob Moya.
Si Rob ay isang artista na napanood sa minor roles sa ilang GMA-7 series tulad ng Hanggang Sa Dulo Ng Buhay Ko noong 2019.
