Maraming natutuwa sa TikTok videos ng Kapuso male star na si Dave Bornea dahil ipinakikita niya ang bunga ng kanyang pagpapakahirap sa gym.
Macho at very hunky si Dave, lalo pa't madalas ay shirtless siya sa kanyang mga litrato at video sa kanyang social media accounts.
Dumami raw ang admirers ni Dave na female and gay followers.
Kasabay nito ay hindi maiwasang ang iba ay nagpapadala raw ng indecent proposal via Instagram direct messaging.
"I think hindi naman po yata siya maiiwasan po. Hindi siya maiiwasan," saad ni Dave.
Tinanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kung may nag-offer sa kanya ng kotse, bahay, o pera kapalit ng indecent proposal.
"Nung una, nung first time kong na-experience siya, of course, parang too good to be true!" sagot ni Dave.
Dugtong niya, "Pero para sa akin kasi... yung mga too good to be true na ganyan, na malalaki...
"Hindi naman po ako nagpapaano diyan, e... I mean, hindi ko siya masyadong tinutuunan ng pansin.
"Kasi nga, parang, para saan ba siya?
"And of course, hindi ko naman gaanong kakilala yung mga naggaganun, so wala lang, hinahayaan ko lang siya.
"Pero naa-appreciate ko naman din sila."
Flattering man daw, hindi raw siya pumapatol sa mga nagpadala ng malaking alok sa kanya.
"I'm not into that, kaya thank you na lang. Thank you po, pero ano, next time!" natatawang sabi ni Dave.
Nakapanayam ng PEP.ph si Dave sa virtual mediacon ng cast ng GMA Afternoon Prime series na Babawiin Ko Ang Lahat, noong Biyernes ng hapon, May 14.
SEXY DANCE VIDEOS
Liban sa indecent proposals, hindi pa naman daw umabot sa puntong may masugid siyang manliligaw dahil sa kanyang sexy dance challenge videos sa TikTok.
"Wow! Ako ang liligawan? Ang pogi ko naman!" tumatawang bulalas ni Dave.
Sabi pa ng 26-year-old actor, "Malabong mangyari po yun kasi... ewan ko, hindi ko naman siya naramdaman.
"Pero yung mga support, nagla-love sa mga videos ko, nararamdaman ko naman po lahat sila."
Nagpasalamat si Dave sa mga tagahangang ginawan siya ng fan page sa social media.
"Nagugulat nga ako, e. May mga bagong page na naka-upload tapos ang pangalan pa ng page, 'Dave Bornea's Updates.'
"Tapos iyon nga mga TikTok videos ko naka-upload dun. Kaya nakakatuwa din po, nakakataba din siya ng puso."
FINALE WEEK OF GMA-7 SERIES
Leading man si Dave ni Pauline Mendoza sa Babawiin Ko Ang Lahat, na magtatapos na sa Biyernes, May 21.
Tampok din sa teleserye sina Carmina Villarroel, John Estrada, Tanya Garcia, Liezel Lopez, Therese Malvar, at Kristoffer Martin.
Ito ay sa direksiyon ni Jules Katanyag.
