Ibinahagi ni Mary Jean “MJ” Lastimosa kung bakit naging emosyunal si Rabiya Mateo nang magkita sila pagkatapos ng Miss Universe 2020 pageant.
Noong May 18, 2021 (U.S. time) o isang araw matapos ganapin ang 69th edition ng Miss Universe pageant, isang thanksgiving/send-off lunch ang inorganisa ng isang Filipino restaurant sa Miami, Florida, USA.
Dumalo rito si Rabiya at kapwa beauty queens na sina MJ at Miss Universe Philippines National Director Shamcey Supsup.
Si MJ ay Top 10 finalist noong Miss Universe 2014, habang si Shamcey ay third runner-up noong Miss Universe 2011.
EMOTIONAL RABIYA
Kumalat sa social media ang kuhang video tungkol sa pagkikita nina Rabiya, MJ, at Shamcey sa pagtitipon.
Mapapanood na nang dumating sina MJ at Shamcey sa venue ay bumati sila sa mga naroon sa loob ng venue.
Nang makalapit si MJ sa kinaroroonang upuan ni Rabiya, nagyakapan nang mahigpit ang dalawa.
Maya-maya ay makikita ang paglapit ni Shamcey, at hinawakan nito sa ulo at braso si Rabiya, habang yakap pa rin si MJ.
Mahihinuha na naging emosyunal ang pagkikita ng tatlong beauty queens.

MJ RECOUNTS EMOTIONAL REUNION WITH RABIYA
Si Rabiya ay nakaabot sa Top 21 semifinalists ng Miss Universe 2020, pero nabigo siyang makausad sa Top 10.
Hindi nagtagumpay si Rabiya sa hangad nitong makuha ang ikalimang Miss Universe title para sa Pilipinas.
Nagkuwento naman si MJ kung ano ang nangyari sa emosyunal na pagtatagpo nila ni Rabiya sa send-off party.
“Nung nakita ko siya, wala pa kaming sinasabi at wala pang words ‘yon, hindi pa kami nag-uusap nun…
“Nung nakita niya lang ako, bigla na siyang na-teary-eyed, at ayun na nga, siguro naibuhos na niya yung emotion niya,” lahad ni MJ sa livestream ng Plus Talks: Para sa Pinoy sa Kumu, nitong Miyerkules, May 19.
Sa kabila nito, dahil maraming tao ang nakakasaksi sa pangyayari, pinayuhan daw ni MJ si Rabiya na saka na lang sila mag-usap para makaiwas sa anumang eksena.
“Sabi ko, ‘Hindi tayo mag-uusap dito. Kasi maraming tao.’
“Hindi ko nga ini-expect. Medyo tinatakpan namin kasi, siyempre, marami nang… para maprotektahan din natin si Rabiya.
“Pero sabi ko sa kanya, ‘I-enjoy muna your time.’ She wanted to mag-me time muna, at mag-travel."
Dahil pareho naman silang nasa Amerika, sinabi rin ni MJ kay Rabiya na mag-schedule na lang sila ng pagkikita at doon sila mag-usap.
Sabi pa ni MJ, “Kailangan niya rin ng breather.
“Sa totoo talaga, grabe yung training and preparation niya for this.
“I’m sure every candidate na sumali sa Miss Universe, hindi basta-bastang preparations and trainings ang ginagawa nila just to be the best representative of their country.
"This is not easy.”
THE PRESSURE OF BEING A REPRESENTATIVE
Sa pagpapatuloy ni MJ, ipinaliwanag niyang hindi biro ang pressure ng isang kandidata sa Miss Universe.
“Pag nasa Miss Universe pageant ka, people doesn’t call you by name. They call you by country.
“Yun pa lang, e, na everybody recognizes you as Philippines, they call you, ‘Hey, Philippines, come here.’ Philippines is suddenly your name.
“So, lahat ng galaw mo nire-represent mo yung mga kababayan mo all around the world, yung mga kababayan mo sa bansa mo.
“So, nakaka-pressure na 'yon.”
Mas bumibigat daw ang pressure sa kandidata bunsod ng mga sunud-sunod na kritisismo.
Aniya, ito raw ang naramdaman ni Rabiya dahil mayroon siyang access sa social media.
“I think madadagdagan pa ng, siyempre, mga criticisms.
“Lalo na she’s on social media. Nakikita niya yung mga sinasabi ng ibang tao, kaya siguro, ayun na, nagdagdag nang dagdag na rin sa emotions niya.”
MJ SHUT DOWN HER SOCIAL MEDIA IN 2014
Naibahagi rin ni MJ na hindi siya naging aktibo sa social media nang sumali siya sa Miss Universe 2014.
Ito ay para raw hindi maapektuhan ang kanyang performance.
“Nung nagko-compete ako sa Miss Universe, even in Binibining Pilipinas, I decided to turn off all my social media.
“Although in my time, I think social media is not as relevant as now.”
Napansin daw ni MJ na mas matindi ang relevance ng social media ngayon.
“But in my time, I turned it off for peace of mind, dahil hindi ko alam kung kakayanin ko o hindi yung opinyon ng ibang tao.
“So, I wasn’t aware of how Filipinos are reacting every time na may activities kami.”
