Mami-miss ni Tanya Garcia ang mga nakasama niya sa Babawiin Ko Ang Lahat Sa Akin, na nag-ere ng final episode noong May 21, 2021.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang aktres sa pamamagitan ng Zoom noong May 19, 2021.
Aniya, “Sa cast kasi, matagal na kaming tapos dahil nag-lock in kami for that, di ba? Although, nagkaka-textan pa rin naman kami.
"Yung mga cast and staff, siyempre mami-miss pa rin namin ang isa’t-isa dahil weekly, may mga updates.
“Pero natutuwa rin ako kasi ang daming nagme-message sa akin, sa mga social media ko, natutuwa sila,” lahad niya.
Nagsilbing comeback project ni Tanya ang Babawiin Ko Ang Lahat Sa Akin sa GMA-7. Ang huli niyang project na Strawberry Lane sa Kapuso network ay umere noon pang 2014.
Natutuwa si Tanya dahil tila na-revive ulit ang kanyang mga fans.
“Oo,” natatawang sagot ng mother of three girls. “Yung naaalala pa rin nila kahit ang tagal-tagal na, nakakatuwa naman."
Bukod dito, tila nadagdagan ang kanyang fan base, na sa ngayon, ay meron nang millennials.
Dugtong ng 39-year-old star, "Yung mga bago ngayon, yung mga millennials, yung mga tawag sa iyo, ‘Titaaa!’ May mga ganyan. Gumagawa sila ng mga fan group 'tapos ang tawag nila sa iyo, 'Tita.'
“Natatawa na lang ako pero nakakatuwa, at least, nakikilala ka pa rin ng mga bagong bagets.”
Matagal din na on and off o mas maraming naka-off mode siya sa pag-arte. Nagsimula ito nang manganak siya sa panganay niyang anak na si Mischa hanggang sa mas naging prayoridad na nga niya ang maging asawa at ina.
Pero posible kaya na ang Babawiin Ko Ang Lahat Sa Akin ang maging hudyat ng tuluy-tuloy na pagbabalik ni Tanya sa telebisyon?
Tugon niya, “Actually, itong bago matapos ang Babawiin Ko Ang Lahat… may offer na ang GMA-7. Pero dahil nga sa nangyayari sa pandemic, sobrang natatakot pa akong mag-lock-in ulit.
“Sabi ko kay Liza [Costales, Tanya’s handler] sa PPL Entertainment, kapag nakuha ko na ang second vaccine ko, kasi, nagpa-vaccine na ako, kapag nakuha ko na ang second dose, medyo protected na.”
Dahil sa nangyari na buong pamilya niya ay nagka-COVID-19, mas dumoble ang pag-iingat ni Tanya.
“Parang careful lang lalo kaya sabi ko, after na ng second dose ko. Ang second dose ko, sa first week of June. So after that, may two weeks ka pa na mag-hibernate, after that ka pa lang fully vaccinated.”
Ngayon daw na-realize ni Tanya na pag-arte talaga ang isa sa mundo niya.
Nakangiting pag-amin nga niya, “Ngayong nakabalik ako sa Babawiin… ito yung teleserye na kunsaan, naramdaman ko na nakaka-miss naman talaga.
“At saka siguro, para rito talaga ako kasi kahit ilang beses na akong nagsasabi na hindi na, tapos na.
"Meron pa rin, at saka, naaalala ka pa rin nila. Nakakatuwa kasi, ang dami mo pa rin nakikilalang bago. Ang dami mong friendship na nabi-build.”
Isa na nga raw rito ang closeness na nabuo sa kanila ni Carmina Villarroel.
"Ang tagal na naming magkakilala, pero ngayon lang kami nagkatrabaho, ngayon lang kami nagkaroon ng friendship. Yung relationship na magkaibigan talaga."
Use these Adidas PH promo codes when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.
