Si Pasig City mayor Vico Sotto ay isa sa mga masugid na tumututol sa nepotism, na siyang nagiging ugat ng pagkakaroon ng political dynasties.
Sa katunayan, dini-discourage niyang tumakbo ang sino mang miyembro ng kanyang angkan sa pagtakbo bilang mayor ng kanilang siyudad.
Ibinahagi ito ni Mayor Vico sa GMA-7 broadcast journalist na si Howie Severino para sa unang episode ng digital show nito na Quarantined with Howie Severino.
Lumabas ang panayam ni Howie kay Mayor Vico noon pang May 28, 2020. Ngunit ang extended version ng kanilang panayam ay nilabas lamang ng GMA News sa kanilang YouTube account nitong May 26, 2021.
Sabi ni Mayor Vico, "Probably not, just because... Well yeah, it would have to depend on the actual situation. Wala naman kasing ganun ngayon dito, na walang potential for that.
"Pero let's say, kunyare kapatid ko or someone, I would really strongly discourage them.
"Hindi lang dahil hindi magandang tingnan but ang puso ko para sa Pasig, puso namin ng team namin dito, magkaroon ng iba pang leaders."
Para kay Vico, isa ito sa mga paraan upang mahanap at mahikayat ang magagaling na future leaders ng kanilang lugar na pumalit sa kanya bilang mayor.
Paliwanag niya, "Hindi lang naman isang tao ang magaling, e. Hindi lang isang pamilya ang magaling.
"Let's find those young leaders. Let's find those next generation leaders who will be better than me, who will be better than the leaders that we already had here in Pasig."
NO TO POLITICAL DYNASTY
Hindi pabor si Mayor Vico sa political dynasty. Sa katunayan, isa ito sa mga naging dahilan kung bakit siya tumakbo sa pagka-mayor noong 2019.
Si Vico ang tumalo noon sa re-electionist na si Bobby Eusebio. Ang angkan ng Eusebio ang humawak sa Pasig mayoralty nang 27 taon.
Pahayag nito, "If there was another candidate nung 2019 na lalaban sana, hindi naman ako tatakbo, e. I mean, the people closest to me know that.
"But ako, kung magiging successful leader ako, ibig sabihin the more successful I am, the shorter I will stay here. Iyon yung thinking ko."
Para kay Mayor Vico, isa sa mga patunay na ang isang tao ay magaling na lider ay kung maipapasa nito ang kanyang puwesto sa susunod na lider na hindi bahagi ng kanyang angkan o pamilya.
Dagdag niya, "I think, the mark of a good leader is the ability... yung succession is defining sa good leader, e. So kung magaling kang leader, mapapasa mo sa susunod na leader.
"Ibig sabihin, may continuity. Hindi iyong anak mo lang o ano—ibig sabihin may mga bagong leader rin.
"And that's my vision for Pasig na yung magagaling dito na for so long nawala sa pulitika sa Pasig, kasi na-control ng dinastiya na magsibalikan or magkaroon ng mga bago na hindi lang dominated ng isa o dalawang pamilya.
"Kundi kung sino yung pinakamagling, pinakamahusay at pinakatapat, iyon yung manalo dito sa Pasig. And then, that's my heart for Pasig from the start."
Sa unang edit ng interview ni Vico, aminado ito na may ilan din siyang kamag-anak na nasa pulitika. Ngunit punto nito, hindi naman niya kapamilya ang pinalitan nito sa puwesto.
Lahad niya, "Although para sa akin, hindi naman pamilya ko yung pinalitan ko rito. We started a movement from the ground up here in Pasig.
"But regardless, that's a fair point. I don't deny that I have relatives—cousins and an uncle—who are also in politics."
Isa sa mga naiisip ni Vico na solusyon upang maayos ang isyu ng political dynasty sa bansa ay kung gagawa ang Kongreso ng batas tungkol dito.
Diin niya, "What really needs to be done is for Congress to pass a law na malinaw yung law for the constitutional provision against political dynasty.
"Yun lang talaga yung solusyon doon. Kumabaga, it has to be a level playing field that the rules apply to all families."