Hindi na bago kay Judy Ann Santos, 43, ang walang tigil na pang-iisyung hiwalay na umano sila ng asawang si Ryan Agoncillo, 42.
Pahayag niya, “Natatawa lang kami kasi parang mula nung mag-boyfriend pa lang kami, ‘yan na, pinaghihiwalay na kami, e.
“Parang simula pa lang nung relationship namin, may isyu nang naghiwalay kami. ‘Huh?! Hindi pa nga alam na mag-boyfriend kami, naghiwalay na kami?’
"Paano kaya yun? Ano ba yun?”
Eksklusibong nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) editorial team si Judy Ann noong Lunes, June 14, 2021.
Twelve years nang kasal sina Judy Ann at Ryan. Ikinasal sila noong April 28, 2009 sa Batangas.
Na-engage sila noong 2008 pagkatapos ng tatlong taon bilang magkasintahan.
Pero sa kabila ng higit 15 taong relasyon, patuloy pa rin ang pang-iintriga ng iba tungkol sa kanilang pagsasama.
Kamakailan nga lamang ay kumalat ang ilang videos sa YouTube na nagsasabing hiwalay na umano sila.
Pero giit ng aktres, fake ang mga ito at iniintriga lang sila ng ibang netizens para maka-generate ng views at para kumita.
Pahayag ni Judy Ann, “Feeling ko, kumi-clickbait, yung ganun.”
Usapan daw nila ni Ryan, mas mabuting huwag na lang nila itong patulan.
“Wag na nating pansinin. Pag pinatulan natin yun, maha-happy pa sila dahil nakarating sa atin at nag-react tayo.”
Sapat na raw ang pagpu-post nilang mag-asawa na magkasama sa social media bilang patunay na matibay ang kanilang pagsasama.
“Parang posting something on Instagram that we’re together, that’s more than answering that issue.
“Kasi mas real-time ito kesa sa ginagawa nilang video,” sabi ni Judy Ann.
Nakuha pang magbiro ng aktres na pinag-aaksayahan sila ng panahon ng netizens.
“Pero, at least, pinagpaguran nila kaming mag-asawa. In-effort-an nila kami.
“In fairness, may asim pa yung pangalan naming mag-asawa!” natawa niyang sabi.
Hirit pa ni Judy Ann, “Ang dami kasing time ng mga tao. Bored na bored na sila. Magpabakuna na kasi.”

JUDAY, RYAN IGNORE THE RUMORS
Kinumpirma ni Judy Ann na nakakarating sa kanilang mag-asawa ang videos ng mga fake news tungkol sa kanila.
“Yun ‘yon, yung sinasabi sa amin na, ‘Hiwalay na daw kayo?’ ‘Saan?’ ‘Sa Facebook, sa YouTube, sa ganyan.’
“Si Ryan din, e, ‘Kaya naman pala yung mga tao maingay na naghiwalay na tayo,’ kasi meron pala talagang video na nakaano sa aming dalawa.”
Pagpapatuloy ni Judy Ann, “Tapos sabi ko, ‘Baka kailangan niya ng allowance, kasi nagpo-post naman tayong dalawa, nag-i-Stories naman magkasama tayong dalawa, e. Baka naman may pambili na siya ng bigas by then.’”
Hinihikayat daw ng mag-asawa ang isa’t isa na huwag na lang patulan ang isyu dahil hindi naman totoo.
Pahayag daw ni Juday kay Ryan, “Wag na natin i-explain. Hindi naman tayo magkahiwalay."
Katuwiran ng aktres, “At saka pag ganitong pinatulan mo pa, hahaba nang hahaba, tatagal, lalaki. Mas lalo mo pang binigyan ng validity yung ginawang isyu.
“’Wag mo nang pansinin kasi mamamatay din naman ‘yan.
“Or siguro sanay lang akong hindi mamansin. Sanay lang akong dumedma sa nega. Nega ka, dedma ka.”
Aware din daw si Ryan sa mga videos na ito.
“Natatawa na lang siya,” sabi ni Juday tungkol sa asawa.
“Siya nga nagsabi sa akin, 'E, kaya naman pala putok na putok itong balita kasi may sariling ano sa YouTube, may video yung issue.'
“Sabi ko, ‘Ah, talaga ba? Bahala nga sila!’ Never namin siyang pinag-usapan.
“Hindi nga namin sinuyod, e, kung ilan yung videos na naka-upload. Dedma na.”
Ito naman ang reaksiyon niya sa kung sinumang netizen ang gumagawa ng videos para intrigahin ang pagsasama nila ni Ryan:
“Nakuha mo na yung subscribers mo. For sure, baka naman nakuha mo na yung plaka mo from YouTube.
“Tanong mo na lang kung pwede mong isangla ‘yan. May extra kang pambigas.”
