Hindi na aktibo sa showbiz ang komedyanteng si Bearwin Meily, 45, na tinututukan ngayon ay ang pagtitinda ng corn dog.
Pero bago pa man siya nauwi sa pagtatayo ng corn dog business, marami muna siyang pinasok na ibang pagkakakitaan.
THE '90S SIDEKICK
Pumasok sa showbiz si Bearwin noong early ‘90s at nakilalang sidekick ng mga bida sa pelikula at telebisyon bilang comic relief.
Pero sa paglipas ng mga taon, lumamlam ang pagdating ng mga projects hanggang sa hindi na siya naging aktibo.
Huli niyang regular na programa ang weekend sitcom na Home Sweetie Home sa ABS-CBN noon 2018.
Pero bakit nga ba lumaylay ang showbiz career ni Bearwin?
“Nawala yung pag-aartista kasi payat na daw ako. Hindi na daw ako nakakatawa,” lahad niya sa GMA Public Affairs docu-series na Tunay na Buhay, June 16, 2021 episode.
Biro pa niya, “Ang pogi ko na daw po sa personal, di ba? Nasasapawan ko na daw si John Lloyd, di ba, ‘tsaka yung mga bida.”
Nakasama ni Bearwin si John Lloyd Cruz sa Home Sweetie Home.
Hindi naman daw naging mahirap kay Bearwin na tanggapin ang katotohanang ito.
“So, e, di sige, cinematic yan, e. OkEy, gusto nila mataba, nawala iyon.”
BEARWIN’S VARIOUS VENTURES APART FROM SHOWBIZ
May nagbukas daw na pagkakataon para sa kanya: “Binless ako ni God into sports organizing.
“I think more than 10 years [of] organizing basketball leagues, marathon, fun runs, and the sports apparel.”
Pinasok din daw niya ang motivational speaking.
“Subukan nating mag-serve kay God. So, I’m into motivational-speaking. Nagsi-speak ako sa church.”
Nagawa raw niyang makapagpatayo ng kanyang dream house para sa pamilya sa Taytay, at nakilala ang maraming kaibigan doon.
“Nakaipon ako. Nagkaroon ako ng bahay. It was a dream house. That was one year and a half pa lang nung tinayo iyon tuwang-tuwa ako.
“We all celebrated."
Sumabak siya sa pulitika noong 2019 at tumakbong konsehal doon, pero hindi siya pinalad manalo.
“Natira ako dito sa Taytay, nakilala ko lahat ng kaibigan ko.
“Tumakbo akong konsehal. Eight yung kailangan na councilors, pang-nine ako. Isa na lang. Natalo ako dun. Okey lang.”
Matapos matalo sa eleksiyon, namroblema si Bearwin kung saan kukuha ng pambayad dahil patuloy pa rin niyang binabayaran ang kanyang dream house.
“So, in short wala pa kaming maisip na business. Hindi namin mabayaran yung bahay.
“Kahit ayaw naming ibenta, masakit sa amin, binenta namin. Why? Because we let go and we let God.”
Taong 2019 nang mabenta ang bahay.
“Sabi namin, ‘Lord, ibenta namin ‘to. Ikaw na po'ng bahala.’”
Naging blessing in disguise daw ang nangyari dahil naganap ang pandemya at inabot sila ng lockdown.
“Nagkaroon kami ng konting savings. Sino magsasabi na magla-lockdown?
“Yun yung, ‘There is winning in losing.’ Kaya pala niya in-allow iyon, it’s because para meron kaming pangkain every day.
“Kung hindi namin nabenta yung bahay, na-lockdown kami, wala kaming kakainin.”
CORN DOG BUSINESS
Kamakailan nga ay sinimulan na ni Bearwin ang kanyang corn dog business.
“Paubos na ang aming savings. ‘Lord, anong business ang puwede naming gawin?’ ‘Food. Why not?’
“So, we started food: Corny Doggy,” pagtukoy sa pangalan ng kanyang negosyo.
“Dito ako dinala ng Diyos.
“If we work, we work. But if we pray, God works.
“So, everything went smooth.”
Dalawang buwan pa lamang daw ang nakalilipas nang itayo ang stall ng kanyang negosyo.
Mula sa pagbubukas, pagluluto, at pagsasara ng tindahan, si Bearwin at ang kanyang pamilya ang nag-aasikaso nito.
Pero sa lahat ng karanasang ito, ang pinakamahalaga raw na natutunan ni Bearwin ay natagpuan niya ang Diyos.
“Nakita ko na yung sobrang yaman namin, nakita ko na yung sadsad namin.
“At most importantly, bukod dun sa yaman at hirap namin, nakita ko na kung gaano kabuhay ang Diyos sa akin.
“I love embracing challenges kasi diyan ako natututo.
“Every day is a lesson, every week there is a test or an examination.
“So, every day, whether you like it or not, someone, somebody, like a teacher here on earth, and coming from God, will teach you something.”