Para sa Kapuso actress na si Sheryl Cruz, hindi lang isa kung hindi tatlo ang tumayo o kinikilala niyang ama sa buhay niya.
Ang mga ito ay ang biological father at dating aktor na si Ricky Belmonte, ang asawa ng kanyang tiyahing si Susan Roces: ang kilalang Hari ng Pelikulang Filipino na si Fernando Poe Jr., at ang kilalang Master Showman na si German "Kuya Germs" Moreno.

Nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ilang entertainment press si Sheryl sa pamamagitan ng online interview, siya na mismo ang nagsabing tatlo ang kinikilala niyang ama na lagi niyang inaalala tuwing sumasapit ang Father’s Day.
Ayon kay Sheryl, “Ako, I have very fond memories of my Papa—si Ricky Belmonte, si Jessy Cruz.
"Tuwing Father’s Day, naaalala ko iyang mga magkakapatid, mga uncle ko sa Cruz side, mga musikero.
“Walang ginawa kung hindi magkantahan, magsayawan. And since taga-Florida Blanca, Pampanga ang mom nila, ang lola ko, Lola Milagros Ocampo Velez Cruz, mahilig magluto ng masasarap na pagkain na Kapampangan.
"Alam niyo naman ang mga Kapampangan, ang sasarap gumawa ng masasarap na pagkain.
“At bukod doon, ang galing nilang magdamit. Iyan ang fond memories ko sa tatay ko.
"Kumbaga sa model, sina Richard Gomez, gano’n siya. He’s 5’11 at hindi lang siya.
"Yung mga uncle ko, mahilig mag-basketball. Kahit si Uncle Ronnie ko [Fernando Poe Jr.].”
Sabi pa niya, “Iyan ang mga naaalala ko sa kanila: mahilig sa pagkain, mahilig magpakain, mahilig sa basketball.”
Kung may nami-miss daw siya sa papa niya at sa Uncle Ronnie niya, ito ay ang pagiging generous at maaalalahanin ng mga ito.
Kuwento pa niya, “Kung may nami-miss ako kay Papa, iyong pasalubong na pagkain.
"Alam niyo yung mga Aristocrat's? Yung may java rice na merong chicken at saka yung may atchara?
"Pagkagaling nila ng labas nila sa tugtog, let’s say Manila Garden or kung anong hotel man iyon, papatawag nila kaming mga bata.
"Let’s say mga 12 midnight iyon, sabay-sabay kaming kakain.
“Yun ang nami-miss ko sa papa ko.”
SHERYL MISSES HER TITO FPJ
Halos ganoon din daw ang nami-miss niya sa dating King of Philippine Movies.
Saad niya, “Sa Tito Ronnie ko naman, ang nami-miss ko sa kanya, kapag nanalo ang kabayo niya sa Sta. Ana, sa karera, kinabukasan, lahat kami, may balato.
“Hindi lang kaming mga pamangkin kung hindi lahat ng tao sa buong bahay, may balato.”
SHERYL FONDLY REMEMBERS KUYA GERMS
Kaya rin daw tatlo ang naging “tatay” sa buhay niya, nang mawala na ang papa niya at ang Tito Ronnie niya, ang kilalang Mastershowman na si German Moreno naman ang tumayong parang ama na niya.

Bukod sa masasabing malapit kay Kuya Germs ang mga magulang niyang sina Ricky at Rosemarie Sonora, isa rin si Sheryl sa produkto ng That’s Entertainment—ang long-running variety show na sinimulan ng Master Showman na siyang nagsilbing launching pad para sa showbiz careers ng maraming stars.
Pagbabalik-tanaw ni Sheryl, “Si Kuya Germs kasi, after na mawala si Papa at saka si Uncle Ronnie, siya na ang pinaka-Papa ko sa show business.
“And si Rams [David, manager ni Sheryl sa Artist Circle] can attest to that. Ang dami namin na inalagaan niya sa show business na hindi niya anak.
“So marami akong mga bagay na natutunan sa kanya. Not only for being professional, but yung pagmamahal ng trabaho ko at pagiging mabuting kaibigan.”
SHERYL TREASURES BEST ADVICE FROM DAD
Ano ang payo ng kanyang ama na hindi niya makakalimutan hanggang ngayon?
Pagmamalaki niya, “Ang papa ko, ang di ko makakalimutang sinabi niya sa akin, ‘Anak, ang iyong aalalahanin sa mundong ito, ang pangalan mo ay napaka-importante. It’s something that you have to take care of.
“Sabi niya, ang tanging pananagutan mo lang, sa konsensiya mo sa Diyos. Kasi, kung maayos mong mapapatakbo ang buhay mo, ang karera mo, pinapakita mo sa mga taong mahal mo sa buhay na mahal mo sila.
"That’s the only way you can show to people around you who love you that you actually love them, because you’re taking care of yourself.”
SHERYL'S LAST MOMENTS WITH HER THREE 'DADS'
Ano naman ang mga gusto sana niyang gawin kasama ang kanyang "tatlong tatay" kung sakaling buhay pa rin ang mga ito?
“In everything that I do in my life, I don't regret anything,” diin ni Sheryl.
“But probably, kung ano man ang gusto ko pa sanang magawa, sana yung mas mag-spend ng time na kasama sila.
“Kasi, hindi ko alam na yung papa ko, biglang magkakaroon ng stroke na katulad ng Uncle Ronnie ko.
"So, hindi ko alam na yung last na yakap sa akin ng Uncle Ronnie ko noong pumunta ako ng Thailand for Mano Po is yung last yakap na mararanasan ko.
“At hindi ko rin alam na si Kuya Germs, yung last lambing ko sa kanya sa GMA—naka-wheelchair pa siya, which is sa opisina ni Joey Abacan [GMA-7 executive]—was the last time na makikita ko siya.
“So if only na meron pang panahon or meron pang konting time na puwede mo silang masolo na makasama.”
Use these Zalora vouchers when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.
