Ayaw papigil ni Jean Garcia sa mga patutsada niya sa manugang na si Alwyn Uytingco.
Hindi kumbinsido ang veteran actress sa mga post ni Alwyn na nagsisisi raw ito sa pagkasira ng pagsasama nila ng asawang si Jennica Garcia, anak ni Jean.
Sa pinakahuling Instagram post ni Alwyn noong June 28, nag-sorry ito kay Jennica at sinabing sisikapin niyang ayusin ang pagsasama nila.
Ngayong Huwebes, July 1, nag-iwan ng mga komento si Jean sa post na ito ni Alwyn.
Pinasaringan ni Jean ang sinseridad ni Alwyn na sinabing nagsisisi ito.
Hamon ni Jean kay Alwyn: “Don’t claim to be sincere, just be it!”
Sinundan niya ito ng “Haaayy” bilang tanda ng frustration ng aktres sa manugang.

Hindi ito ang unang beses na nagkomento si Jean sa post ni Alwyn.
Sa previous posts ni Alwyn, sinabi nitong nami-miss na niya ang mga anak na nasa poder ni Jennica—sina Mori, 6, at Alessi, 3.
Pero sa comments section, kinastigo siya ni Jean.
Pinuna ni Jean ang pagpo-post ni Alwyn tungkol sa kanyang asawa’t mga anak matapos ang “heartaches” na idinulot nito kay Jennica.
JEAN's CRYPTIC POSTs
Ngayong Huwebes, July 1, patuloy sa pagpu-post si Jean ng mga pasaring laban kay Alwyn.
Una niyang ipinost ang series of photos niyang may hawak na white roses.
Caption ng aktres: "I have no time to battle egos and small minds…"
Makahulugan din ang sumunod niyang post pagkalipas lamang ng ilang oras: “Genuine sincerity opens people’s hearts, while manipulation causes them to close.”
Parunggit niya sa caption, nasa huli ang pagsisisi.
Caption ni Jean: “Regrets are illuminations come too late.”
Ang latest post ni Jean ay para naman sa kanyang anak na si Jennica: “Life is tough, my darling, but so are you.”
Caption ni Jean: “Fighting!!! [hug, heart, sunflower emojis]”
Naka-tag dito si Jennica.

Nakahanap naman ng kakampi ang mag-ina sa ilang showbiz friends, gaya ni Jackie Lou Blanco na nag-iwan ng komento para sa mag-ina.
Ani Jackie Lou, “That’s right @chic2garcia and inaanak @jennicauytingco And remember whatever you are going thru, God is holding your hand through it all.
“Nandito lang kami para sayo. Im just a text away.”
Umayon din sina Rita Avila, Melissa Mendez, at Rufa Mae Quinto sa post ni Jean tungkol sa magandang ugali ng tunay na lalaki.
OTHER WOMAN?
Hindi tinukoy nina Jennica at Alwyn kung ano ang tunay na dahilan ng hiwalayan nila.
Ang naunang nilinaw ni Jennica ay hindi pera ang dahilan ng kanilang paghihiwalay.
Ang tinuran naman ni Jean sa kanyang komento, binigyan ni Alwyn ng “heartaches” si Jennica.
Pero sa isang post ni Jean, tawag-pansin ang komento ng isang netizen na may handle name na @legalwife.2020.
Walang pagkakakilanlan ang netizen o kahit picture man lang, pero inakusahan niya si Alwyn ng diumano’y pagkakaroon ng ibang babae.
Akusa ng netizen, biktima rin siya ng “same woman” na kumalantari umano sa kanyang ex-husband at kay Alwyn.
Nag-volunteer pa ang netizen na ibibigay niya kay Jean ang address ng “homewrecker” kung nais ng aktres na ipadampot ito sa mga pulis.
Nabanggit din ng netizen na nag-direct message ito kay Jennica, pero hindi sumagot si Jennica.

Hindi naman nagkomento si Jean sa komento ng netizen tungkol sa akusasyon nito kay Alwyn.
Bukas ang PEP.ph sa panig ni Alwyn hinggil sa akusasyong ipinupukol laban sa kanya.
