Dahil sa maselang kalagayan ng pagbubuntis ni Jennylyn
Mercado, tinanggal na ito sa dapat na bagong drama show niya sa GMA-7, ang Maging
Akin Ka Lamang. Pati ang ama ng kanyang pinagbubuntis na si Patrick Garcia
ay tinanggal din sa cast.
Ang first show kung saan magtatambal sana ang magkasintahang
sina Jennylyn at Patrick ay biglang nagkaroon ng recasting. Mananatili pa rin
sa cast sina Carlo Aquino at Isabel Oli samantalang ang pumalit kina Jen at
Patrick ay sina Polo Ravales at Nadine Samonte.
Sa special press conference ng suspense thriller series na La
Vendetta noong Huwebes ng gabi , January 3, sa Pilita's in Greenhills,
usap-usapan roon ang pagbubuntis ni Jen at no-show nga ito sa naturang
presscon. Doon din nalaman ng mga imbitadong press na sina Polo at Nadine na ang kapalit ng dalawa sa Maging Akin Ka Lamang.
Hindi makapaniwala si Polo sa nangyari kay Jennylyn. Matagal
na raw kasi niya ito hindi nakakasama sa taping kaya wala raw siyang alam sa
kalagayan nito. Tahimik daw kasi si Jen at hindi raw palakuwento noong
kasagsagan ng taping nila for La Vendetta.
Blessing para kay Polo na after La Vendetta ay may
kapalit kaagad ito na soap drama at isang Christopher de Leon role pa ang
napunta sa kanya.
"Nakakatuwang isipin na ako kaagad ang naisip nila bilang kapalit ni Patrick sa Maging Akin Ka Lamang. Okey lang na maging second choice ako. Ang importante ay napili ako among the many possible leading men sa GMA-7.
"Tsaka isang magandang role ‘yung nabigay sa akin. Unang ginawa yun ni Mr.
Christopher de Leon kaya kailangan magpakita ako ng mahusay na performance.
Promise ko naman sa kanila na pagbubutihan ko ang pagganap ko."
Magpapatubo na raw si Polo ng kanyang buhok para maiba naman
daw ang look niya. Three years na raw siyang kalbo; nagsimula ito sa Encantadia
na nag-air noong 2005 pa.
"For Maging Akin Ka Lamang, I will let hair grow na para hindi na ako mukhang kontrabida," ngiti ni Polo. "Nami-miss ko na rin ang mahabang buhok. Para rin bumagay sa role ko sa bagong show."
Hindi pa namin nakakausap si Nadine Samonte regarding sa pag-take over niya sa
role ni Jennylyn sa Maging Akin Ka Lamang. Pero sure kami na matutuwa si
Nadine dahil napaaga ang bagong show na kapalit ng Kung Mahawi Man ang Ulap.
Role ni Dina Bonnevie ang napunta kay Nadine. At ayon mismo kay Dina, noong una
niyang nakilala si Nadine (noong panahon na nililigawan pa ito ni Oyo Sotto)
nasabi nito na magkamukha sila ni Nadine noong kabataan niya.
