Lumikha ng ingay ang paglabas ni Dani Barretto ng saloobin tungkol sa amang si Kier Legaspi sa vlog ni Dra. Vicki Belo noong July 15.
Ayon sa content creator, wala siyang matandaang birthday celebration noong kabataan niya na nakasama ang kanyang estranged father.
Naghiwalay si Kier at ang ina ni Dani na si Marjorie Barretto noong 1993, taon ng kanyang kapanganakan.
Saad ni Dani, "I don't think I actually celebrated a birthday with my dad. Growing up, that was actually a major frustration for me.
"Kasi siyempre, when you have friends, you see them at birthday parties, tapos may cake blowing, tapos complete family pag may birthday.
"I didn't have that growing up. It wasn't naman much of a bubog."
Pero sa ulat ng GMA News ngayong araw, July 23, may isang source na nagbahagi sa kanila ng tatlong larawang kuha noong second birthday celebration ni Dani.
Sa unang larawan, kitang karga-karga ni Kier si Dani sa party habang napaliligiran ng mga bisita.

Sa ikalawang larawan, makikita naman si Dani sa harap mismo ng kanyang birthday cake.

Sa ikatlong larawan, makikita ang detalye ng nakapalamuti sa cake na may nakasulat na “Daniella at the Circus,” ang tema ng pagtitipon.

Ayon pa sa hindi pinangalanang source ng ulat, "Hindi ko kaya maatim na sinabi ni Dani na wala siyang naging birthday celebration na kasama ang kanyang papa.”
KIER REACTS TO THE PHOTOS
Sa pamamagitan ng telepono, nakapanayam ng GMA News si Kier kagabi, July 22.
Unang sabi nito tungkol sa larawan: "I remember that."
Dagdag pa niya, "Sa bahay namin 'yan sa Pasig. It was in the garage of the Legaspi house in Pasig."
Ayon pa kay Kier, ang kanyang ina ang nasa bandang kaliwa sa unang larawan.
Tungkol naman sa pangalawang larawan, sinabi ng aktor na suriing mabuti ang icing sa cake na may nakalagay na “Papa,” na ang ibig sabihin ay regalo niya ito sa anak.
Aniya, "Sa photo kung saan nakatayo siya [Dani, in front of the] cake, sa kaliwa niya, pag pumasok ka, kusina namin yun.
"The photos are authentic.”
Humingi naman ng dispensa si Dani dahil hindi raw niya iyon naalala, sa panayam pa rin ng GMA News Online ngayong araw.
Sabi niya, “I apologize if I don't remember him being at my 2nd birthday party.
"I honestly don't even remember having a 2nd or a 3rd birthday party. For that, I apologize."
Hindi naman maalala ni Kier kung nasa pagtitipon na iyon si Marjorie.
Pero naiintindihan daw niya na hindi naalala ni Dani ang selebrasyon ng pangalawang kaarawan nito.
Aniya, "Oo naman! She was only 2 years old nuon. Siyempre, pwedeng hindi niya maalala."
