Ikinasal na ang Kapamilya actress na si Yam Concepcion sa New York-based boyfriend niyang si Miguel CuUnjieng.
Ginanap ang kanilang romantikong sunset cruise wedding sa New York nitong Linggo, Hulyo 25 (Philippine time).
Ang pamosong Statue of Liberty ang backdrop sa wedding.

Kita ang saya ng bride na nakasuot ng simpleng white dress at hat. At sa halip na bridal bouquet, bitbit ni Yam ang beloved pet dog na si Tiny.

Emosyonal si Yam sa kanyang wedding vows, at sinabi nitong sobrang na-appreciate niya ang effort ni Miguel kahit simpleng video calls at messages nito kapag sila ay hindi magkasama.
Saksi naman ang pamilya at piling mga kaibigan ng couple.

"LOVE AT FIRST SIGHT" FOR YAM AND MIGUEL
Humigit-kumulang siyam na taong magkasintahan sina Yam at Miguel, at napanitili nila ang pag-ibig para sa isa't isa sa kabila ng long-distance relationship.
Matagal din ang kanilang hinintay para makasal dahil engaged na sila noon pang December 31, 2018.
Inanunsiyo lang ni Yam ang engagement nila ng fiancé noong June 23, 2021.
Sa ulat ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong March 2016, ikinuwento ni Yam na on-and-off relationship sila noon ni Miguel.
"Love at first sight kami noon, e, unang meeting namin.
“Nagkita na kami pero naudlot because he had to leave the Philippines to study, two years yun.
“Pero two years siya nandito, nag-work siya sa SM.
“Kasi siyempre bago ka makapag-master’s kailangan at least two years working experience.
“So, pumunta siya sa Washington, D.C., nag-aral siya doon. After two years, bumalik siya rito.”
ENDURING LONG-DISTANCE RELATIONSHIP
Noong panahong iyon, sinabi ni Yam na naiintindihan ni Miguel na hindi niya iiwan ang showbiz at mas gusto niyang manirahan sa Pilipinas.
Nirerespeto naman daw ni Miguel ang kanyang pagmamahal sa pag-arte.
Mahirap man ang long-distance relationship, sabi noon ni Yam, "Wala naman akong choice, na-in love talaga ako, e."
Si Yam ay bida sa ongoing Kapamilya drama series na Init Sa Magdamag.
Noong May 7, 2021 lumipad si Yam kasama si Tiny patungong New York para makapiling si Miguel.

