Agaw-pansin ang meme post ni Luis Manzano tungkol sa Olympics na kahit si Hidilyn Diaz ay napa-comment.
Matapos masungkit ni Hidilyn ang kauna-unahang Olympics gold medal sa ongoing 2021 Tokyo Olympics, nagsunud-sunod ang mga pagbati sa social media mula sa ordinaryong netizens at maging sa mga sikat na personalidad.
Hindi naman nagpahuli rito ang ABS-CBN host na si Luis Manzano, na kilala sa paggawa ng mga nakatatawang post sa social media.
Kasunod ng pagkapanalo ni Hidilyn, gumawa ng meme post ang host.
Ipinost niya sa kanyang social media accounts ang edited preview link na mula sa ABS-CBN News site, July 28, 2021, Miyerkules.
Sa preview, ipinatanong ang mukha ni Luis sa photo ng isang medalist na kumakaway.
Caption sa edited post: “IN PHOTO: 2016 Rio Olympics gold medalist sa pa-gwapuhan during the awarding #...”
Ganito naman ang edited title sa meme: “LOOK: Filipino Luis Manzano with Olympic gold medal.”
Ito ang nakakatawang post ni Luis: "Congrats kay Ma’m Hidilyn Diaz, pero sana wag tayo makalimot sa unang nagdala ng ginto sa larangan ng pa-gwapuhan #pinoypride”

Ngayong Linggo, August 1, nagkomento si Hidilyn at sinakyan ang joke ni Luis.
Simpleng comment ng Pinay Olympic gold medalist: “Ikaw ata yun.”
Sumagot naman si Luis. Hindi niya pinalampas ang pagkakataon na batiin si Hidilyn na nagkomento sa kanyang meme.
“Ma’m!!! Congrats!!! [red heart emojis],” sagot ni Luis.

Ipinost din ito ni Luis sa kanyang Instagram account.
Benta ang joke niya sa asawang si Jessy Mendiola at aktres na si Lovi Poe.
Nag-joke naman si Benjamin Alves na balatuhan siya ni Luis sa nakuhang cash prize ni Luis dahil sa pagiging “gold medalist sa pa-gwapuhan.”

Sinakyan din ng netizens ang joke ni Luis. Marami sa kanila ang natawa at nag-joke rin.
Ang iba, pinasalamatan si Luis dahil napangiti raw sila sa joke ng Kapamilya host.



