Aminado si Pokwang, 50, na hindi perpekto ang pagsasama nila ng American partner niyang si Lee O'Brian, 45.
Pero sa mga pagkakataong nagkakainitan sila, hindi nagtatagal ang kanilang alitan dahil hirap daw si Pokwang na ihayag ang kanyang saloobin sa Ingles.
"Wala namang perpektong relasyon. May point na nandun kami sa rough road, nag-aaway kami," ani Pokwang.
Sabay kuwelang pag-amin niya, "Pero kapag English, hirap na ako sabihin, bati na tayo.
"Ang nangyayari, lumalayo na lang ako. Kapag hirap na hirap na ako sabihin sa English, sasabihin ko, 'Halika May, mag-grocery na lang tayo. Hahaha!"
Yayayain na lang daw niya ang dalagang anak na si May na lumabas para makapagpalamig siya ng ulo.
"Layu-layo na lang kasi ang hirap mag-explain!"
Ikinuwento ito ni Pokwang sa PEP Exclusives, ang on-cam interview kaharap ang editorial team ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), noong araw na siya ay maging Kapuso.
Masuwerte raw siya kay Lee dahil kuha nito ang ugali niya.
"Pero mabuti na lang siya, nasasakyan din niya yung kabaliwan ko. Siya yung laging, 'Okay, okay.' Pag umentra na si Tisay, wala na."
Ang tinutukoy ni Pokwang na "Tisay" ay ang anak nila ni Lee na si Malia.
Ano ba ang sinasabi niyang "kabaliwan" niya?
Prangkang sagot ni Pokwang, matalak daw kasi siya.
Paliwanag niya, "Lalo na ngayong pandemic, napakapraning ko. Matalak ako lalo na pag lalabas.
"'May dala ka ba alcohol? Yung protocol, ha?!' Ratatatatat! Yung damit mo hinagis mo lang diyan! Dapat inisprayan mo!'"
Kung minsay ay nagiging source of misunderstanding din nila ang pang-i-spoil ni Lee kay Malia o kaya ang pagiging "masyadong mabait" ni Pokwang sa usaping negosyo.
"Sa bata, kasi siya, mang-i-spoiled 'yan, ako hindi. Kaya nagtatalo kami lagi. Pero pag na-realize niya naman, okay naman na, naayos naman lahat.
"Tapos sa paninda, yung mga presyo, ako kasi maawain akong tao, di ako tumatawad.
"Sabihin niya, 'Babe, siyempre nagnenegosyo tayo. Okey lang na mabait, pero hindi puwedeng masyado mabait. Wala tayo kikitain.' Naintindihan ko rin naman siya."

RESPECT FOR EACH OTHER
Pero ang mahalaga para kay Pokwang ay napapanatili raw nila ni Lee ang respeto sa isa't isa.
"Respeto sa kultura ng bawat isa, respeto sa space ng bawat isa, at tiwala sa isa't isa, yun lang.
"I'm so thankful na dumating siya sa buhay ko dahil sa kabila ng mga pinagdaanan, siya talaga naging sandalan ko pati mga anak ko. Buti na lang! Sobra!
"Nagpapasalamat ako sa dedikasyon niya. Kung ano passion ko sa buhay, suporta niya. And of course, sa pagmamahal niya at respeto sa mga anak ko."

dreaming of CHURCH WEDDING with lee
Nagkakilala sina Pokwang at Lee nang magkatrabaho sila sa pelikulang Edsa Woolworth noong 2015.
Naging magkasintahan sila noong January, 20, 2015, at hanggang ngayon ay going strong ang kanilang relasyon.
Ayon kay Pokwang, pangarap niyang maikasal sila ni Lee sa simbahan sa Antipolo, kunsaan nakatira ang Kapuso comedienne.
"Oo naman! It's every woman's dream," sabi ni Pokwang sa PEP.ph.
Pero may inaayos lang daw na papeles na tila may kaugnayan sa pagpapakasal ni Pokwang sa isang Japanese national noon pang 1990s.
Dugtong niya, "May inaayos pa kasi kami ngayon sa side ko. Kasi nung panahon ko na Japan-Japan, baliw-baliwan!
"Anyways, basta may inaayos lang po kami para maging ano na ang lahat. May tumutulong sa aming tao. Thank you, Lord, finally."
Hindi na nagdetalye pa si Pokwang.
Sabi lang niya, "Siyempre, di ba? Sabi ko kahit simple lang. Basta importante may basbas [ng simbahan].
"Bilang ipinanganak akong Katoliko, di puwedeng walang basbas. Lalung-lalo na ng mahal na ina ng Antipolo kasi siyempre sa kanya ako laki, di ba?"
Use these Shopee vouchers when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.
