Milyun-milyon ding pabuya ang inaasahang matatanggap ni Carlo Paalam, 24, matapos siyang magwagi ng silver medal sa boxing flyweight division sa Tokyo2020 Olympics.

Tinatayang aabot sa PHP20M ang matatanggap ni Carlo katulad din ng natanggap ng kapwa niya silver medalist sa boxing na si Nesthy Petecio.
Makakatanggap siya ng PHP5M mula sa gobyerno, alinsunod sa nakasaad sa Republic Act 10699, kung saan ang mga silver medalists sa Olympics ay tatanggap ng nasabing halaga.
Makakatanggap din siya ng pabuyang pera mula sa private sector.
- PHP5M mula sa MVP Sports Foundation ni Manny Pangilinan,
- PHP5M mula sa negosyanteng si Ramon Ang
- PHP3M mula sa Phoenix Petroleum Philippines
- PHP2M mula kay Representive Mikee Romero
Ang flag carrier ng bansa na Philippine Airlines ay magbibigay naman ng lifetime pledge na 60,000 Mabuhay Miles bawat taon, kaya makakabiyahe siya sa dito man o sa labas ng bansa nang libre.
May free 25 flights rin siya mula sa Cebu Pacific para sa domestic and short-haul destinations.
Tinalo si Carlo ni Galal Yafai ng Great Britain sa laban nila ngayong Sabado, August 7 sa Tokyo, Japan.
Inaasahan namang marami pa ang bubuhos na pabuya kay Carlo katulad na lamang sa gold medalist na si Hidilyn Diaz, silver medalist Nesthy, at bronze medalist na si Eumir Marcial.
