Pumanaw na ang kilalang Filipino poet at writer na si Virgina "Virgie" Moreno.
Binawian siya ng buhay ngayong Sabado ng umaga, August 14. Siya ay 98 taong gulang.
Hindi pa naglalabas ng detalye ang pamilya ni Virginia kung ano ang sanhi ng kanyang pagkamatay.
Nalaman ng publiko ang pagpanaw niya dahil sa mensahe ng pakikiramay ng kanyang mga kaibigan at kaanak sa social media.
Si Virginia ay kapatid ng yumao na rin at tanyag na fashion designer na si Pitoy Moreno.
Ipinanganak sa Tondo, Manila noong April 23, 1923, si Virginia tinaguriang "High Priestess and The Empress Dowager of Philippine poetry" ng kapwa niya poets at writers, at maging mga kaibigan, ayon sa ulat ng Manila Bulletin.
Ang mga akda niya ay saklaw ng tula, teatro, at pelikula. Ang kanyang librong Batik Maker and Other Poems ay nagwagit ng first prize sa Carlos Palanca Memorial Award for Poetry noong 1972.
Noong 1969 ay iprinodyus niya ang play The Onyx Wolf, na kilala rin bilang La Loba Negra at Itim Asu. Ito ang nagpanalo sa kanya ng National Historical Playwriting Contest.
Nang sumunod na taon ay ginawa itong ballet performance na tinampukan ng National Artist na si Alice Reyes.
Si Virginia ay naging chairman ng UNESCO Culture Committee of the Philippines at director ng UP Film Center.