Gimik lang ba ang pag-unfollow ni Paolo Contis sa karelasyong si LJ Reyes sa Instagram?
Ito ang tanong ng ibang netizens na naintriga hinggil sa isyung diumano’y nagkakalabuan ang magkarelasyon.
Bukod sa pag-unfollow, nag-zero following din si Paolo kaya kasama sa mga nabura sa mga pina-follow niya si LJ.
Lumabas ang isyung pagkakalabuan umano nina Paolo at LJ noong August 19, 2021, Huwebes.
Kasabay nito ang pagpapalabas sa streaming platform na Netflix ang pelikula nina Paolo at Yen Santos, ang A Faraway Land.
Pero noon lamang August 18, Miyerkules, nagkaroon pa ng pahayag si LJ at mahihinuhang buo ang pagmamahal niya para kay Paolo.
Klaro rin sa pahayag ni LJ na handa niyang iwan ang buhay dito sa Pilipinas kung sakaling yayain siya ni Paolo na tumira sa ibang bansa.
Nangyari ang pahayag na ito ni LJ sa August 18 taped episode ng Kapuso morning talk show na Mars Pa More, kung saan isa sa hosts si LJ.
Sa isang game segment ng show, natanong si LJ kung ano ang pipiliin niya: isang major role o sumama sa karelasyon kapag niyaya siyang mag-migrate sa ibang bansa?
Una munang sumagot ang guest for that day na si Jelai Andres, isang influencer-actress.
At saka sumunod na sumagot si LJ.
“Ah, hindi pa ba next question? Hindi pa ba?” natatawang bungad ni LJ.
Seryosong sagot ni LJ, “For me kasi, siguro dahil din sa pandemic, parang gusto kong mag-try ng something new, alam mo ‘yon…
“Kunwari, sabihin ni Paolo na, ‘Halika, pack your bags and migrate,’ gusto kong i-try...” malinaw na sagot ng StarStruck Batch 2 alumna.
So, palalamapasin niya ang big role at sasama kay Paolo? “Oo,” sagot ni LJ.
May kinalaman din sa relasyon ang sumunod na tanong kay LJ.
Ang tanong: ano ang pagkakamaling ginawa mo na ikinasira ng isang good relationship sa buhay mo?
Sagot ni LJ, “Wala pa naman, ‘no.
“Pero feeling ko kung meron mang masisirang relationship… ako, because of ugali ko or whatever, siguro stubbornness ko minsan. Mapilit talaga ako,” nakangiting paliwanag ni LJ.
FOR PROMOTION or for real?
Wala pa ring statement si Paolo tungkol sa isyu nila ni LJ at this writing.
Sa ulat ng PEP Troika noong August 20, Biyernes, inulat ng PEP contributor na si Gorgy Rula na hindi sumasagot si Paolo nang mausisa tungkol sa relasyon nila ni LJ.
Pero sinabi ni Gorgy na tatlong laughing emojis ang reply ni Paolo nang biruin niya ang aktor na number one sa Netflix ang recent movie niya.
No reply raw muli si Paolo nang usisain ni Gorgy ang aktor tungkol kay LJ.
Sa recent Instagram Stories naman ni Paolo, patuloy ang pagpo-post niya ng screenshots tungkol sa pananatili sa Top 10 sa Netflix ng kanyang pelikula.
Nananatiling zero ang kanyang following, pero naka-follow pa rin si LJ sa aktor at hindi pa rin binubura ni LJ ang mga photos ni Paolo.
Si LJ at Paolo ay may isang anak na babae, si Summer, isang taong gulang.
May anak din si LJ sa dating karelasyong si Paolo Avelino, si Aki, 11.
