Isang taon makalipas mag-expire ng kontrata ni Kris Bernal sa GMA-7, nagsalita na ang aktres tungkol sa bali-balitang dahilan ng hindi pag-renew sa kanyang kontrata sa network.
Sa kanyang vlog kahapon, August 22, sinagot ni Kris ang mga ipinupukol na isyu sa kanya, kabilang na ang alegasyong attitude problem at pagpapataas ng talent fee.
Diin ni Kris, “Manggagaling na sa akin, walang katotohanan po yun.”
Unang ipinaliwanag ni Kris ang sinasabing attitude problem niya kaya inayawan na siya ng dating home network.
Ayon kay Kris, wala siyang matandaang nag-attitude siya o naging mapili sa trabahong ibinibigay sa kanya.
Paliwanag ng aktres, “In all honesty, wala akong maalala na nag-attitude ako.
"I come on time, I study my scripts, I do my job, I give my hundred percent all the time, hundred percent performance.
“Buong puso’t kaluluwa ang ibinibigay ko sa bawat character, bawat show.”
TALENT FEE ISSUE
Wala rin daw katotohanang nagpapataas ng talent fee si Kris.
Nang mag-expire ang kontrata niya sa GMA-7 noong 2020, inalok pa raw niyang babaan ang kanyang talent fee.
Patuloy ni Kris: “Actually, when my contract expired, sabi ko, ‘Sige, kahit babaan niyo na o kahit magkano lang po.’
“I’m after doing shows because acting is my passion, more than the monetary.
"Siyempre lahat naman tayo gustong maghanapbuhay lalo na ngayong pandemic, ang dami ring nawalan ng trabaho, agawan kayo sa trabaho."
Nang hindi siya bigyan ng panibagong kontrata ng GMA-7, gumawa siya ng series sa TV5 at Archangel Media, ang Ate ng Ate Ko, na umere mula November 2020 hanggang February 2021.
Patuloy ni Kris, “I’m after the fact that I love acting. Gusto kong umarte, gusto kong magbigay-buhay sa characters na ibinibigay sa akin and gusto ko pang mag-improve, gusto ko manalo ng awards.
“So, siyempre, kaysa maghintay ako na mabigyan ng project with my own network, kailangan kong magtrabaho. Siyempre lahat tayo ngayon, alanganin, di ba?
“Saan tayo kukuha ng source of income, lalo na ikakasal na ako? I’ll have a family of my own, so siyempre kailangan kong mag-ipon kaya tumatanggap din talaga ako ng projects.”
Wala nang kontrata si Kris nang gawin niya ang proyekto sa TV5.
Pero nagpaalam pa rin daw siya sa GMA-7, na kanyang home network sa loob ng labintatlong (13) taon, para siguraduhing malinis ang negosasyon niya sa ibang kumpanya.
Kuwento ni Kris, “Talagang ipinaalam ko yun, I made sure na wala akong mababangga, wala akong masasaktan na tao, wala akong maaagrabyadong tao.
“Siyempre, ako naman, kapag binigyan ng trabaho, tatanggapin ko talaga.
"In all fairness, hindi ako mapili sa trabaho. Wala akong tinanggihan na soap or any guesting.
“Siguro minsan nakakatanggi lang ako kapag wala na akong tulog kasi kailangan ko nang magpahinga, pero bilang lang sa darili ko kung ilang beses lang.”
“WORTH IT BA AKO SA TF KO?”
Sa usapin pa rin ng pagpapataas ng talent fee, inamin ni Kris na minsan ay iniisip niya kung worth it ba siya sa ibinibigay sa kanya.
Pag-amin ng 32-year-old freelance actress: “Minsan nga iniisip ko, worth it ba ako sa TF ko ngayon?
“Parang minsan naaano ko, naku-question ko yung worth ko na parang hindi ako worth it.”
Bukod daw kasi sa kumita, mas naa-appreciate ni Kris na may nakakaisip pang kunin siya bilang endorser o cast member ng isang produksiyon.
Diretsahan din niyang sinagot ang sinasabing “mura” lang daw siya kaya madalas siyang kunin ng brands bilang endorser o social media influencer.
Lahad niya, “I’m really not after the rate. Of course, kasama yun, ha. Siyempre, gusto nating kumita. Kasama talaga may bayad.
"Pero hindi yung magpapataas ako or hindi man lang ako magiging considerate sa panahon ngayon.
“Ako, very open lang ako to any, e. Nabigyan lang ako ng trabaho so kikita ako doon, why not?"
Hindi ikinahiya ni Kris na sabihing "mura" ang kanyang talent fee bilang endorser.
“Actually, may nag-comment pa nga sa Instagram ko na, ‘Ah, kaya ka kinukuha ng mga brands kasi mura ka.’
“Totoo po 'yan, mura po talaga ako. May mga humihingi po ng discounts, mga bagsak-presyo.
“But then, ako kasi, appreciative lang ako sa mga tao, appreciative lang ako sa mga productions, sa mga tao na nakakaisip sa akin.
“Alam mo yun, ang dami naman nilang puwedeng influencers or actors for a project or for a role.
"Pero ako, na-appreciate ko, ‘Huy, naisip nila ako. Uy, gusto pa nila ako. Uy, feel nila may influence pa ako. Uy, feel nila makakabenta pa ako. Uy, feel nila mapu-pull off ko yung role.’
“Kung mapapansin niyo, I really give my 100 percent pagdating sa pag-promote ng mga products, pagdating sa mga online campaigns kina-career ko yung mga shoots.
“Very appreciative ako kaya maraming-maraming salamat po sa mga taong kumukuha sa akin, [who] consider me to be part of their campaign.”
Mula raw nang mag-expire ang kontrata ni Kris sa GMA-7, lagi niyang ipinagdadasal na sana ay hindi siya maubusan ng trabaho.
Sabi ni Kris, “Ever since my contract expired, talagang hindi nawala sa prayers ko na ‘Sana, Lord, may mga dumating pang trabaho sa akin.’
“Kahit wala akong exclusive contract to any network, sana may dumating pang trabaho kasi, in all fairness nga, may mga dumadating nga kahit maliliit lang, kahit konti lang.”
Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng talent manager na si Arnold Vegafria ang career ni Kris.
May parating din daw siyang series at pelikula pero hindi pa siya makakapagkuwento dito sa ngayon.
