Kasal na si Maguindanao Second District Representative Esmael “Toto” Mangudadatu kay Miss Asia Pacific International 2018 Sharifa Akeel.
Naganap ang pag-iisang dibdib ng dalawa ngayong Miyerkules, August 25, bandang alas-10 ng umaga, sa Al Nor Hotel & Convention Center sa Cotabato City.

Sa Facebook, naglabas ng mga larawan sa ginanap na kasalan ang ilang imbitadong panauhin, kabilang si Asnawe Baraguir Mawe.
Sa larawang ibinahagi niya, makikitang nakaputing gown si Sharifa at naka-suit naman si Congressman Mangudadatu.

Sa reception, makikitang naka-mask ang mga dumalo sa kasalan bilang pagsunod sa safety protocols laban sa COVID-19.

Unang inanunsiyo ang pag-iisang dibdib ng mambabatas at ng beauty queen sa Facebook page ng National Commission on Muslim Filipinos, Bureau of External Relations noong Sabado, August 21.
Isang “Walima Celebration” ang tawag sa kanilang Islam wedding.
Ang “Walima Celebration” (https://symphonyevents.com.au/services/nikah/) ay isang uri ng seremonya kung saan ang Islam wedding ay kailangang ideklara sa publiko.
Ang public declaration ay ginagawa sa pamamagitan ng pagpaplano ng Walimah o Muslim wedding reception at upang ipaalam sa publiko na masaya ang dalawang ikakasal.
Hindi pa malinaw kung pang-ilang legal na asawa na ni Congressman Mangudadatu si Sharifa, pero ang mga lalaking Muslim ay pinapayagang makapag-asawa ng hanggang apat.
Si Sharifa ay Filipino-Qatari at kinoronahang Miss Asia Pacific International noong 2018.
Siya ay tubong-Sultan Kudarat, sa Mindanao.
Si Congressman Mangudadatu ay isang beteranong pulitiko at mula sa isang political dynasty sa Maguindanao.
Nagsilbi siyang mayor sa Buluan, Maguindanao mula 1998 hanggang 2007.
Pagkatapos ng kanyang termino, tumakbo siyang vice mayor sa nasabing bayan at naglingkod mula 2007 hanggang 2010.
Naging gobernador siya ng Maguindanao mula 2010 hanggang 2019, at naihalal na congressman noong 2019 elections.
Isa si Mangudadatu sa 70 kongresistang bumoto ng “yes” para hindi mapagkalooban ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN.
May anak siyang babae sa aktres na si Ynez Veneracion.
Use these Klook promo codes when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.
