Diretso si LJ Reyes sa pagsabing wala siyang anumang ginawa para magkarason si Paolo Contis na magalit sa kanya.
Ito ay sa kabila ng isyung hiwalay na ang showbiz couple. Anim na taon na ang kanilang relasyon at may one-year-old na anak, si Summer.
Mismong si Lolit Solis, co-manager ni Paolo, ang nagkumpirma sa isang post noong August 22, Linggo, na hiwalay na ang aktor at si LJ.
“Walang 3rd party sa hiwalayan Paolo Contis at LJ Reyes, it was a matter of na outgrow na nila ang romance sa kanilang relasyon,” bahagi ng Instagram post ng co-manager.
Si LJ, nilinaw namang hindi niya binigyan ng anumang dahilan si Paolo para magalit o sumama ang loob sa kanya.
Ito ang isinagot ni LJ sa game portion ng morning talk show Mars Pa More noong Biyernes, August 27.
Ganito ang ibinatong tanong kay LJ: “Banggitin ang pinakamatinding reason kung bakit sumama ang loob o nagalit si Paolo Contis sa iyo.”
Biro ni LJ, “Buti na lang hindi siya gumigising ng ganitong oras. Wow!"
Dagdag nito, “Wala. Ang bait ko, e,” na sinundan ng tawa ng StarStruck 2 alumna.
Pang-aasar ng co-host niyang si Camille Prats, “How to be you, Mars?”
“Teka, isipin ko nga,” ani LJ at tila nag-isip.
Sundot ni Camille, “Ano pinagtampuhan niya? Nagtampo siya sa 'yo about something...”
Tugon ni LJ, “Alam mo, hindi kasi siya matampuhin.”
Pinilit pa rin siya ni Camille, pero nanindigan si LJ, “Wala. Hirap naman. Bawal sumagot ng wala.”
Hindi malinaw kung kailan nai-tape ang episode na ito ng Mars Pa More.
PAOLO KEEPS MUM
Samantala, tumatanggi pa ring magsalita si Paolo kaugnay ng balitang hiwalayan nila ni LJ.
Ipinalabas ang Zoom interview ni Paolo sa 24 Oras noong Miyerkules, August 27, pero tumanggi itong magsalita sa isyu nila ni LJ.
Ang tinututukan daw niya ngayon ay ang sunud-sunod niyang projects.
Sabi ni Paolo, “I’m leaving again for another lock-in shoot.
“Second lock-in ng I left my Heart in Sorsogon.”
Tuluy-tuloy pa rin ang taping ni Paolo para sa Kapuso gag show na Bubble Gang.
Ngayong darating na Miyerkules, September 1, magti-taping naman siya para sa isang guest appearance sa Dear Uge.
“Ako, thankful ako with everything that’s happening, sa mga blessings na nangyayari regardless of the pandemic,” ani Paolo.
Pumutok ang isyung hiwalay na sina Paolo at LJ noong August 19, matapos mapansing nag-“zero following” si Paolo sa Instagram. Kasama sa in-unfollow niya si LJ.
Binura rin ni Paolo sa Instagram ang mga larawan niyang kasama si LJ.
At this writing, patuloy na pina-follow ni LJ si Paolo sa Instagram, at hindi pa rin binubura ang mga larawan ng aktor sa kanyang Instagram feed.
