Very successful ang naging birthday concert ni Katrina Halili sa Zirkoh Timog noong nakaraang Sabado, January 12. Kahit na malakas ang ulan ay napuno ang naturang venue at inabangan nga nila ang kaseksihan ni Katrina sa entablado.
Maiyak-iyak nga raw si Katrina dahil hindi niya akalain na kakayanin niyang mapuno ang Zirkoh. Kahit nga kontrabida siya sa Marimar bilang si Angelica Santibañez ay napatunayan niya na marami pala siyang tagahanga. Kung noong daw ay pa-guest-guest lang siya, ngayon ay sariling show na raw niya iyon at malaking success pa.
Nabanggit nga ni Katrina sa mga interviews niya na gusto naman daw niyang subukan ang comedy dahil for the past three years ay puro drama ang ginagawa niya.
“Pero hindi ko naman inaalis ang pagiging kontrabida. Okey pa rin sa akin ang gano’ng role pero sana mapahinga naman ako kahit saglit lang. Pero ayoko naman ng sobrang matagal na pahinga. Baka mawalan naman ako ng work.
“I want to try yung iba’t ibang roles naman. Pero kung sa tingin nila na para sa akin ang isang kontrabida role ulit, okey lang naman sa akin. Basta may trabaho, okey sa akin,” ang sabi ng kasalukuyang Sexiest Pinay ng FHM.
Pinabulaanan din ni Katrina na nagkabalikan na sila ng kanyang ex-boyfriend na si Andrew Schimmer. Parati kasi silang nakikitang magkasama lately at noong birthday party niya sa Barraks ay hindi raw ito umalis hanggang hindi natatapos ang party niya.
“Wala ‘yon. Kami naman ni Andrew, friends kami noong maghiwalay. Up to now, good friends kami. Hindi kami nagkabalikan kasi hindi ko na siya gustong maging boyfriend!” sabay tawa niya.
Dagdag pa ni Katrina, “Gusto ko bilang kaibigan na lang. 'Tsaka magkasama kami ngayon sa Marimar kaya mas madalas kaming magkita ngayon. Wala naman sigurong masama roon, ‘di ba?”
