Nabunutan na raw ng isang malaking tinik sa dibdib si Rosanna Roces, 49, matapos siyang patawarin ni Lorna Tolentino, 59.
Ito ay matapos ang kanilang halos dalawang dekadang iringan.
Na-link kasi noon si Rosanna sa yumaong action star na si Rudy Fernandez, asawa ni Lorna.
Pumanaw si Rudy noong 2008, sa edad na 56, dahil sa pancreatic cancer.
Nagkatrabaho sina Rosanna at Rudy sa GMA-7 sitcom na Da Boy en Da Girl, na umere mula 2002 hanggang 2003.
Umugong ang usap-usapang nagkaroon ng relasyon sina Rudy at Rosanna noong panahong iyon.
Nakaabot ito kay Lorna, at bakas sa mga pahayag niya noon sa interviews ang atraso sa kanya ni Rosanna.
Noong 2006, sa isang presscon ay tinanong si Lorna kung pinatawad na niya si Rosanna.
Sagot ni Lorna: "Bakit ko siya patatawarin, hindi naman siya humihingi ng tawad?"
Read Also: Lorna Tolentino holds herself against Rosanna Roces's tirade
ROSANNA ASKS FOR LORNA'S FORGIVENESS
Pero makalipas ang labinwalong (18) taon, humingi na ng tawad si Rosanna kay Lorna.
Nangyari ito sa set ng FPJ’s Ang Probinsyano, kung saan mainstay si Lorna at bagong pasok si Rosanna, nitong August 30, 2021.
Inilahad ni Ogie Diaz ang pagbabati ng dalawang aktres sa kanyang September 1, 2021 YouTube vlog.
Base sa palitan nila ng mensahe ni Rosanna, lubos-lubos daw ang tuwa nitong pinatawad na siya ni Lorna.
Ayon kay Ogie, “Aminado si Osang [Rosanna] na babae rin siya, feeling niya nadehado si LT [Lorna] bilang misis [ni Rudy].
“Alam ni Osang, may bitbit siya.”
Si Lorna raw ang unang bumati kay Rosanna.
Lahad ni Rosanna kay Ogie, “Kinawayan niya ako. ‘Tapos umakyat ako sa standby area nila. Dun ako nag-sorry.
“Binati na ako ni LT. Ginawa ko, niyakap ko, ‘tapos sabi ko, ‘Galit ka pa sa kin?' Sabi niya, ‘Hindi, ang tagal na nun.’
“Niyakap ko ulit, sabay sabi ko, ‘Sorry.’ Naiyak ako.”
Tugon naman daw ni Lorna, “Hayaan mo na. Nasa langit na yung isa [Rudy].”
Ikinatuwa raw ito ng Ang Probinsyano lead star na si Coco Martin.
Gumaan daw ang pakiramdam ni Rosanna sa pagkakaayos nila ni Lorna.
“May nai-close na naman akong pahina,” sabi ng dating kontrobersiyal na aktres.
