Naghain ng formal complaint si K Brosas dahil “inabandona” umano siya ng pinagkatiwalaang contractor matapos niyang maglabas ng humigit-kumulang PHP7 milyon para sa ipinapatayong bahay.
Ipinost ni K sa Instagram ang larawan niyang nanunumpa matapos pormal na magsampa ng reklamo ngayong hapon ng Biyernes, September 10, 2021.
Hindi tinukoy ng singer/comedienne/host kung saang prosecutor’s office siya nagtungo.
Hindi rin niya binanggit ang pagkakakilanlan ng contractor na umano’y tinakbuhan siya.
MULTI-MILLION PESO DEAL
Sa kanyang caption, idinetalye ni K ang aniya’y matagal na niyang dalahin sa mga nakalipas na taon.
Kuwento ni K (published as is), “Ilang taon na po ang nakakaraan ng may kinontrata ako para gawin ang aking bahay dahil sa kagustohan kong umiwas sa malaking babayarin sa pagupa ng townhouse at condominium unit.
“Isipin nyo nga naman, sa ilang taong pagaartista ko, ngayon pa lang ako nagpapagawa ng sariling bahay.”
Base sa paglalahad ni K, lumalabas na hindi tinupad ng contractor ang kanilang napag-usapan sa ipinapagawa niyang bahay.
“Nakakalungkot lang na kahit malaking pera na ang nabigay ko at kung tutuusin tapos ko na ang pagbabayad sa buong halaga, mahigit kumulang 7 milyon..
“Inabandona pa ng pinagkatiwalaan ko ang nasabing bahay.
“Maiintidihan nyo naman siguro ako na pinaghirapan ko yung pera na galing sa dugo, pawis at kakulangan ng tulog. Wala e, kelangan nating mangarap.”
Matinding epekto raw ang idinulot nito kay K na tanging malalapit na kaibigan lang niya ang nakakaalam.
Pagpapatuloy niya, “Ilang beses akong nakiusap, umiyak at humingi ng tulong, pero wala pa ding nangyari.
“Alam lahat ng kaibigan ko kung ilang beses nakong nag breakdown, napadalas uli ang anxiety attacks ko dahil sa sobrang stress..
“Masaya ako lagi sa trabaho ko pero lingid sa kaalaman ng iba pag hindi naka harap sa camera, grabe ang bigat at depression ko dahil sa pangarap kong bahay na para din sa anak ko..”
Sa huli, nagdedisyon si K na idaan na ito sa legal na paraan.
“Kaya napilitan akong maghain ng demanda kaninang tanghali sa tulong ng mga abogado ko at testigo ko.”
Pinasalamatan din ni K ang tatlong abogadong tutulong sa kanya kaugnay sa inihain niyang reklamo.
“Naniniwala pa din ako sa justice system natin. I hope justice will be served at the end of the day,” pagtatapos ni K.

