Samu't saring reaksiyon ang natanggap ng aktres na si Gretchen Barretto mula sa mga netizens dahil sa latest viral video nito.
Nitong nakaraang Sabado, September 18, 2021, ibinahagi ni Gretchen sa kanyang Instagram account ang isang video kunsaan makikita ang husay niya sa paghawak sa isang manok na panabong.
Sa video, effortless na hinabol at dinampot ni Gretchen ang isang gamefowl habang kumakanta pa ng "Babalik Kang Muli" ni Regine Velasquez.
Ang maikling caption nito: "#pitmasters"
Nitong Linggo, September 19, 2021, umabot na sa 556,327 ang natanggap na views sa video ni Gretchen sa kanyag Instagram.
Ilang celebrities din ang napabilib nito nang mapanood ang video.
Tatlong shocked emojis ang iniwan ng kanyang anak na si Dominique Cojuangco sa comments section ng kanyang post.
Aminado naman ang host-comedienne na si Giselle Sanchez na hindi nito kaya ang ginawa ni Gretchen. Sabi nito sa aktres, "Galing @gretchenbarretto ! I would be terrified to touch a cock ! [emojis]"
Speechless din ang model-host na si Phoemela Barranda na nagkomento lamang ng "Woah" sa post ni Gretchen.
Naubusan naman ng salita sina Liz Uy, Gabby Eigenmann, Melissa Ricks, at Maritoni Fernandez kaya iba't ibang emojis na lang ang mga naikomento ng mga ito.


Kung tutuusin, hindi na bago kay Gretchen ang ganitong galawan dahil marami namang nakakaalam na dahil sa kanyang pakikipagkaibigan kay Atong Ang, madalas siyang manood at sumali sa iba't ibang cockfighting competition sa bansa.
Sa katunayan, miyembro siya ng Team Alpha ng Pitmaster group, kung saan kasama rin si Atong.
Matatandaang namataan ang dalawa sa isang cockfighting event nitong nakaraang July 30, 2021, sa Cavite. Sa nasabing event nakunan ng video si Gretchen, na tinaguriang "Lady Tiger" ng mga sabungero, habang nasa loob ng sabungan.
