Mabilis na sumaklolo ang mompreneur na si Neri Miranda sa masaklap na sinapit ng isang bagong kasal sa Cebu na na-scam umano ng kanilang wedding coordinator.
Noong Miyerkules, September 22, nag-viral ang Facebook post ng wedding photographer na si Tonskie Elsisura na nagpakita ng isang maiksing video kung saan humahagulhol ang bride na si Cherry Pie Purisima.
Ayon kay Elsisura, pagdating ni Cherry Pie, ng kanyang groom na si Arniel Satingasin, at mga bisita sa reception ay natuklasan nilang hindi nagbayad ang wedding coordinator kaya sarado ang venue at wala ring handang pagkain.
Nakasaad sa caption ng wedding photographer (published as is), “According sa couple, fully paid na daw sila sa coordinator na c naser fuentes.. nagpakita pa ang coordinator during wedding preparation at the couples residence.
“Then by lunch time nilakaw [umalis] na c naser and dili [hindi] na makontak, but we assumed maybe busy ug decor sa venue.
“So after sa church which is sa minglanila pa, proceed mi sa venue sa kiaras catering and events sa may labangon area, ug pagabot namu didto [pagdating namin doon] close jud ang venue! Walay handa, wala tanan!
“according sa management wala daw nabook na event that day.. pati kami mga suppliers scam sad wala mabayri [pati kaming mga suppliers na-scam din at hindi nabayaran]!
“First time in history sa wedding! Pag abot namu [pagdating namin] sa venue walay handa! Mingaw [tahimik] ang venue! Luoya! [Kawawa!] Apil sad mi luoy! [Kasama din kaming kawawa!]
“Naser Fuentes intawn atubanga ni sila pinaka grabe ni! [Naser Fuentes, please lang harapin mo sila, grabe ito!]”
Sa isa pang post ni Elsisura, ibinahagi niya ang masayang mga larawan ng bagong kasal sa simbahan.
Saad niya sa caption: “Kana bitaw happy na kaau ta kay tapos na ang ceremony then pakals na pero pag abot sa venue kay scam kay walay handa, wala tanan [Yung masaya ka na kasi tapos na ang ceremony then kakain na, ngunit pagdating sa venue walang handa dahil na-scam, wala lahat]
“Sila ang couple (Arniel & Cherry Pie) nga na scam ni Mr Naser Fuentes. I hope ma settle ni ang tanan including us suppliers…”
SCAMMER COMMITS SUICIDE, ARRESTED
Sa panayam ng Brigada News FM Cebu sa bride na si Cherry Pie kahapon, September 23, sinabi niyang wala siyang idea na may mga dati nang kaso ng estafa ang kinuha nilang wedding coordinator.
Wala rin daw nakapagsabi sa kanila, kahit ang ibang suppliers sa kanilang kasal, dahil nagkikita lamang sila kapag may events katulad ng wedding nila.
Ayon pa kay Cherry Pie, tinawagan nila ang venue ilang araw bago ang kasal at sinabing naka-book na ito.
Ngunit hindi ito binayaran kaya hindi natuloy ang transaksiyon kahit nagbigay na sila ng kabuuang halaga na P65,000.
Kahapon din, kumalat ang balitang naglaslas ng pulso ang wedding coordinator.
Pero naagapan ito ng mga kapitbahay at naisugod sa ospital. Nakaligtas daw ito sa kapahamakan.
Matapos nito, inaresto ng pulisya ang wedding coordinator dahil mayroon na pala itong bench warrant sa dati pang estafa complaint na kinahaharap nito.
Ito ay ayon sa mga local news sa Cebu, kabilang na ang iFM 93.9 Cebu.
“KAMI NG BAHALA SA INYO”
Hindi naman nagpatumpik-tumpik pa si Neri Miranda na mag-alok ng tulong sa na-scam na bagong kasal.
Sa kanyang Instagram kagabi, September 23, nagpaabot siya ng mensahe sa bagong kasal at sa mga taong nakakakilala rito.
Ayon kay Neri, bilang naikasal na siya sa mister na si Chito Miranda, malaking bagay para sa bride na maging masaya ang pinakaespesyal na araw nila ng kanilang asawa.
Buong mensahe ni Neri: “Just saw this sa Facebook.
“Bilang naging bride din ako, ang pinaka ayaw natin ay mastress sa mismong kasal natin. Kahit lahat ng tao sa paligid natin, di tayo dapat binibigyan ng stress.
“Kung sino po ang nakakakilala sa bride, pakisabi po, message po ako or my partner @jonahcbautista. Kami na bahala sa reception niya.
"Malapit lang naman ang @jejusamgyupsal sa lugar nila. Dun na natin ganapin ang reception nyo. Since mahigpit po ang dine in pa rin, mga 20 pax po ang kakasya sa Jeju Samgyupsal Resto po namin sa Cebu.
“Sagot na rin po namin ang cake, may emcee ka na rin po para may program po ang reception nyo. May pabaon kaming @terra.ph accessories @_veryneri_ beddings @veryneri_sleepwear gift from @saturdaydress para sa bride.
“Wala kayong gagastusin mag-asawa. Kami na bahala. May pa-pocket money kami sa inyo kahit papaano. Wag ka nang umiyak. Kami na bahala sa inyo.
“Pahabol pala! Nagmessage sa akin ang may ari ng Skin Magical at Teatalk na si Ate @ghie.pangilinan sagot na raw nya ang tokens para sa mga guests at magbibigay din siya ng cash para sa newlyweds."

Sa ngayon, ongoing na ang pakikipag-usap ng kampo ng bagong kasal at ni Neri.
