Tatlong buwan nang Kapuso si Pokwang.
Pero sabi nga namin sa kanya, sa halos sunud-sunod na ginagawa niyang show at guesting sa GMA-7, parang ang tagal na niyang Kapuso.
Sa mediacon na ginanap para kay Pokwang nung October 1, Biyernes, kinumusta ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang journey niya so far, bilang Kapuso.
“Masaya po, very, very thankful at excited po ako sa inilatag sa akin, sa mga mangyayari, abangan po nila,” lahad niya.
“Sobrang excited po ako. Nag-meeting kami, ang ganda.
"Ipinagdarasal ko po, 'Hay, Lord...' Siyempre, nasa pandemic pa po tayo ngayon kaya medyo hinay-hinay muna tayo sa mga galawan. Naiintindihan ko naman po yan.
“Pero napakaganda po ng mga inilatag. I’m so excited, sobrang excited ako and very thankful kasi answered prayer po iyon.”
At bilang hint, sinabi ni Pokwang na ang proyektong ito raw ang talagang gusto niyang gawin.
learnings and realizations from network transfer
Maraming artista ngayon ang lumilipat ng networks, may mga hayag na at may mga nababalita pa lamang.
Hindi rin kasi madaling desisyon ito, dahil nandiyang may mga mamba-bash, may mga magagalit dahil sa pag-iwan sa dating istasyon at meron din namang magwe-welcome sa lilipatan.
READ ALSO: Pokwang reveals wish list as Kapuso star
Pero base sa nararanasan ni Pokwang, ano ba ang learnings at realizations na pwede niyang ibahagi para sa mga lumipat o nagbabalak pa lang lumipat ng istasyon?
“Unang-una, nagpapasalamat kami dahil may mga pintong nagbubukas, di ba? Kagaya ng GMA, salamat po,” saad niya.
“Don’t burn bridges. Napakaliit ng industriyang ito. Dapat tayo ay kaibigan mo siya, kaibigan niya, i-friend mo lahat.
“Kasi ako, nagulat ako noong birthday ko, siyempre, Kapuso na po ako, nagulat po ako dahil may mga boss pa rin ako sa kabila na nagpadala ng bulaklak. So ibig sabihin, wala po akong masamang tinapay.
“Salamat po at dapat gano’n po tayo.
"And kagaya nga ng sinabi ko, napakaliit lang po ng mundong ginagalawan natin. Hindi mo alam kung sino ang makakatrabaho mo ngayon, bukas o sa darating na ano... so dapat friend ka sa lahat.”
family above all
Si Pokwang ang bibida sa bagong month-long episode ng Daig Kayo ng Lola Ko na “It’s Not You It’s Me” simula sa Linggo, 7pm sa GMA-7.
Malapit sa puso ni Pokwang ang ginagampanan niyang karakter sa Daig Kayo ng Lola Ko bilang isang nanay. Makakasama niya sina Tonton Gutierrez at Paul Salas.
Kung meron man daw siyang gustong matutunan ang mga manonood sa episode nila, ito ay ang kahalagahan ng pamilya.
“Ang gusto kong matutunan ng mga manonood lalung-lalo na sa panahon ngayon, ang pamilya ay dapat nagsusuportahan.
“Kung nagsusuportahan tayo noon, mas lalo na ngayon. Dapat mas mangibabaw yung mas malawak na pang-unawa at saka yung haba ng pasensiya, yun ang kailangan natin sa pamilya.
"At walang ibang pinakamahalaga kung hindi ang pamilya.”
what's harder, drama or comedy?
Bilang isang Kapuso, open daw si Pokwang sa kahit na anong proyektong ibigay sa kanya. Mapa-teleserye man ‘yan.
“Yes, oo, kailangan wala tayong boundaries. Kailangan hindi ka nakakahon. Kailangan ‘pak,’ gano’n.
“Basta maganda ang kuwento at talagang palung-palo, gagawin natin yan.”
Kilala man siyang mahusay na komedyante, inamin niyang mas mahirap pa rin daw ang magpatawa ng tao kesa magpaiyak.
Aniya, “Mas mahirap magpatawa ng tao. Alam mo naman tayong mga Filipino, ano tayo, e, malalambutin ang puso natin.
“Madali tayong maapektuhan ng mga nangyayari sa paligid. Pero sa comedy kasi, kailangan mo munang pakiramdaman ang audience mo, kailangan mo silang pag-aralan.
“Anong klaseng comedy ang ibibigay mo sa kanila so, mas mahirap magpatawa po kesa magpaiyak.”
