"Di mamamatay si Kendra."
Ito ang sagot ni Aiko Melendez sa mga nagtatanong tungkol sa magiging kapalaran ng karakter niyang si Kendra Fajardo, ang kontrabida sa Prima Donnas.
Nakausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa pamamagitan ng text messaging ngayong araw, October 7, 2021.
Sa pag-file ni Aiko ng kanyang Certificate Of Candidacy (COC) sa Commission on Elections (COMELEC) kahapon, October 6, 2021, mamamaalam muna siya sa showbiz.
Pero in-assure ng aktres na pansamantala lamang ito.
Dugtong niya, "Hindi mawawala character ko... pero hindi ko matatapos yung show which airs 'til next year.
"Kasi nga tatakbo ako, so they adjusted everything naman. Kaya malaki pasasalamat ko sa GMA-7 dahil dun."
Nakatakdang umere ang book two ng serye sa taong ito. May teaser si Aiko, "Abangan nila yung twist ng show, mader... basta isa lang masasabi ko, di mamatay si Kendra."
WHY COUNCILOR NOT CONGRESSWOMAN
Tatakbo si Aiko bilang konsehal ng District 5 sa Quezon City.
Taliwas ito sa una niyang plano na tumakbo bilang congresswoman sa darating na May 2022 elections.
Bakit nagbago ang desisyon niya?
Sabi ng 45-year-old star, "Kaya ako nag-councilor kasi sa pag ikot ko, mas kailangan ako ng mga tao na nakatutok sa kanila. Kapag nag-congress ako, national agad, baka di ko matutukan agad ang district 5."
Ayon sa Wikipedia, ang sakop ng district 5 ay 14 barangays, kabilang ang Fairview, Lagro, at Novaliches.
Malaki raw na parte ng political career ni Aiko ang nasabing distrito.
Aniya pa, "Napakalaki ng utang na loob ko... nung last termer ako as councilor, ang district 5 ang nagpanalo sa akin. Malaki boto ang naambag nila. Gusto ko lang ibalik muna sa kanila ang lahat na yun na nakatutok ako."
Kasama niyang nag-file ng COC ang kasintahang si Zambales Vice-Governor Jay Khonghun, na tatakbo namang congressman sa unang distrito ng Olongapo, Zambales.
STATEMENT NI AIKO
Makalipas ang ilang sandali, isang mahabang post sa kanyang Facebook account ang inilathala ni Aiko.
"Hindi ko papasukin ang public service dahil sa ako ay walang kasiguruhan sa mundo na kung saan ako galing. Sa katunayan nga, saksi ang GMA-7 family ko na iiwan ko ang Prima Donnas at masakit man sa puso at kalooban nila na mawawala ako sa show at aalis dahil papasukin ko muli ang mundo ng public service.
"Nakatapos ako ng dalawang pelikula ngayong pandemic, may iniwan ako na show na hanggang next year.
"Hindi ako naghihirap pero hindi ko din masasabi na mayaman na mayaman ako. Modesty aside po matagal na ako sa industriya, galing ako sa mga soap operas na nagtagal pareho sa ere.
"Madami na ding nagawang pelikula, may mga endorsements, at, higit sa lahat, hindi po ako nawawalan ng proyekto. Marahil na din dahil sa mahal ako ng Diyos kaya tuluy-tuloy ang biyaya na dumating sa akin na gusto kong ibalik sa tao."
Saka nag-segue ang aktres sa kanyang political career na nagsimula noong 2001, at binanggit ang mga naging accomplishments niya.
Sa pagpapatuloy niya, "Lahat nang ito ay hindi bago sa akin.
"Siyam na taon akong naging konsehal. Nag-aral ako at wala akong iniwan na hindi maganda sa QC.
"Kaya taas-noo ko na maipagmamalaki na babalik ako dahil higit akong kailangan ng mga aking mga ka-distrito na buong katapatan kong pinaglingkuran dati.
"Madami po akong naipasang batas nung ako ay konsehal na hanggang ngayon ay naging memorable sa mga tao dahil pinaglaban ko ang kanilang karapatan sa lupa at pabahay nung ako ay nasa konseho.
"Pinaglaban ko ang mga mahal kong PWD kaya nabigyan sila ng pag-asa sa buhay, mga benepisyo katulad ng discount na nararamdaman nila hanggang ngayon. Opo, sa Quezon City isa po yan sa naipasa na batas na aking pinaglaban.
"Sa mga kababaihan, marami po akong nabigyan ng mga livelihood projects.
"Ako din po ay naging Chairman ng Appropriation Committee kung saan naglagak kami ng pondo sa mga eskuwelahan na nakikita nyo po sa QC ngayon na pinakikinabangan ng ating mga anak.
"Kaya nating bigyan ng solusyon ang mga problema sa gitna ng pandemya lalo na kung ito ay galing sa puso at napag-iisipan."
Sa huli, proud si Aiko na malinis at wala raw bahid ng corruption ang siyam na taon niyang paninilbihan bilang konsehala.
"Hindi ko minana o ipinasa sa akin ang pagiging public servant, tumayo po ako at nagtrabaho, pinagpaguran ang inyong pagtitiwala nang siyam na taon dala ang tapat at masipag na pagseserbisyo.
"Ako lang sa pamilya namin ang pumasok sa pulitika dahil sa pagsusumikap. Kaya kahit magkakaiba ang naging batayan o pulso natin sa pagpili ng lider ay buong puso kong maipapagmamalaki na hindi ako nagnakaw at nagmalabis sa pondo ng bayan at kailanman ay hindi ko ipagkakait ang serbisyo at benepisyo na para sa tao.
"Aalagaan ko ng buong katapatan ang tiwala na ibibigay ninyo sa akin dahil nais kong ipadama sa inyo ang kaibahan ng paglilingkod at pagmamahal ng #AlagangAikoMelendez."
