Napuno ng sakit at dismaya si Mikee Morada nang makarating sa kanya ang komento ni Lolit Solis tungkol sa diumano'y miscarriage ni Alex Gonzaga.
Si Mikee ay konsehal sa Lipa City at mister ni Alex. Halos isang taon pa lang silang kasal.
Noong October 9, nag-post sa Instagram ang talent manager-columnist na si Lolit tungkol sa aniya'y balitang nabuntis umano si Alex pero nakunan kamakailan.
Usap-usapan daw iyon ng fans ni Alex.
Bagamat ipinunto ni Lolit na malungkot ang balitang mawala ang anak sa sinapupunan, may binanggit siyang haka-hakang itinatago umano ang balita para sa YouTube vlog unang magsalita si Alex tungkol sa kondisyon nito.
Pahayag ni Lolit (published as is): "Naawa naman ako sa balita na nakunan daw si Alex Gonzaga.
"Kasi nga worried na worried ang mga followers niya at gusto malaman ang tutoong nangyari pero may nagsabi na sa vlog na lang daw ni Alex o Toni Gonzaga hintayin.
"Para bang ginawa ng business pati malungkot na balita.
"Siyempre para sa sinuman babae very sad na mawala ang baby mo, lalo at first baby nilang mag-asawa."
May sinabi rin si Lolit na tila may haka-hakang ikinagalit umano ng ina ni Alex na si Pinty Gonzaga na naging usap-usapan ang diumano'y miscarriage ng actress/TV host/vlogger.
Ani Lolit: "Hindi naman siguro tutoo na nagagalit ang mother Pinty nila Alex st Toni na lumabas ang balita dahil gusto nga daw nila na maging exclusive sa vlog nila.
"Very petty ‘di ba? Dahil lang sa vlog pati ganitong balita itatago?
"Eh married naman si Alex, at paano itatago iyon medical record?
"Basta for us, get well soon Alex, at be strong. Magkakaruon ka pa uli ng baby, we pray for that. Amen."

Hindi pinalampas ni Mikee ang aniya'y gawa-gawang kuwento ni Lolit.
Madalas mapanood si Mikee sa vlogs ni Alex, pero bihira ang pagkakataong humarap sa media.
Marespeto pero diretsong sagot ni Mikee kay Lolit: "Mam masakit at nakakadismaya naman.
"Hindi lang patungkol kay Alex ang inyong sinulat, tungkol ito sa amin mag-asawa.
"Kaya hinihingi ko ang inyong pag-respeto.
"Huwag po kayong gumawa ng kwento sa ganitong klaseng sitwasyon lalo't hindi niyo naman alam ang totoong pangyayari. Salamat."

Bukas sa social media si Alex tungkol sa masayang pagsasama nila ni Mikee.
Noong October 5, nag-post si Alex ng selfie nila ni Mikee kunsaan pareho silang matamis ang ngiti habang nasisinagan ng araw.
Sabi niya sa caption: "We will always have each other my papamel. You and i no matter what."

Use these Lazada vouchers when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.