Buong pagmamalaking ipinost ni Jesi Corcuera ang kanyang topless photo kung saan kita ang surgery scars niya sa dibdib.
Si Jesi, isang transgender man o trans man, ay nakilala bilang StarStruck: The Next Level (2006) finalist. Ka-batch niya sina Aljur Abrenica, Kris Bernal, at Paulo Avelino.
Naging housemate din siya sa Pinoy Big Brother: Lucky 7 (2016-2017).
Sa Instagram, ibinahagi ni Jesi na masaya siya sa kanyang estado at transition bilang trans man.
Caption niya, “Hindi maitagong ngiti. Mga ngiti na walang katumbas na halaga. Maaring hindi niyo maintindihan ang sayang aking nararamdaman.
“Pero sa likod ng mga hiwa sa ilalim ng aking dibdib yan ang simbolo ng aking kalayaan. Kalayaan sa mapanghusgang lipunan.”
Mensahe pa niya sa mga kagaya niyang miyembro ng lesbian, gay, bisexual, transgender, queer community:
“Para sa mga tulad kong parte ng makulay na bahaghari wag kayong titigil makamit ang inyong kalayaan at kasiyahan. [rainbow flag]”
Pinasalamatan ni Jesi ang kanyang pamilya, partner, at doktor sa kanilang walang sawang suporta sa kanya.
Kahit noong sumali si Jesi sa StarStruck, hindi niya itinago ang pagiging lesbian.
Ibinunyag naman niya ang tungkol sa kanyang transition noong pumasok siya sa PBB house noong 2016.
Pero sinabi niyang 2013 pa lang nang magpa-surgery siya para sa kanyang transition.
