Pinabibilib ngayon ng Pilipinang si Jenika Duran ang mga Italiano sa pamamagitan ng kanyang talento sa pagkanta.
Si Jenika ay isang nurse na tumungo sa Italy para makasama roon ang kanyang pamilya.
Namamasukan siya roon bilang isang babysitter.
Pero bukod rito, maganda ang kanyang boses, kaya sa tulong ng isang Italian guitarist, nagpe-perform siya sa mga plaza, gaya ng Alba, Milan, at Torino.
Sa mga videos na ipinost ni Jenika sa kanyang YouTube account, bakas sa mga hiyawan ng mga Italian ang pagkabilib at pagkamangha nila sa talento niya.
Naitampok ang kuwento ni Jenika sa The Filipino Channel (TFC) News sa ulat ni Maricel Burgonio nitong Sabado, November 20, 2021.
“Hindi ko po in-expect na ganito ang magiging pagtanggap ng mga tao sa akin at sa boses ko, at sobrang nagpapasalamat po ako. Sobrang saya ng puso ko,” sabi ni Jenika.
Gaya ng maraming Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Italy ay hindi niya nagagamit ang pinag-aralan pagdating sa pagtatrabaho.
Karamihan sa kanila ay namamasukan bilang domestic helpers, caregivers, at babysitters.
“Dito po sa Europa, mahirap pong mai-practice ang iyong profession sa atin sa Pilipinas.
“Isang malaking desisyon po ang ginawa ko sa aking buhay na makapunta dito sa Italy, para makasama ko po yung buo kong pamilya.”
Pero sa suporta ng mga mahal sa buhay, kalaunan ay nakapag-adjust si Jenika.
“Sa simula po, mahirap po talaga ang buhay sa Italy, lalo na ang panibagong lugar, panibagong mga tao.
“Sa tulong po ng pamilya ko at mga kaibigan, yung hirap na pinagdaanan ko noon, lahat ng iyak na pinagdaanan ko, na-survive ko po.”

Base sa kanyang Facebook account, si Jenika ay nagtapos ng Nursing sa College of the Holy Spirit sa Tarlac at nakapagtrabaho sa San Lazaro Hospital sa Maynila.
Sa kasalukuyan, naninirahan siya sa Alba, Italy kasama ng kanyang pamilya.
Desidido si Jenika na ituloy ang kanyang pangarap na na maging singer.
Sa katunayan, nakapag-perform din siya noon sa talent competition ng ABS-CBN na I Can See Your Voice.
“Pangarap ko po talaga ay mai-share kung ano yung talent na ibinigay sa akin ni Lord at makapagpasaya ako ng maraming tao,” ani Jenika.
Bukod sa pagkanta sa iba’t ibang lugar sa Italy, hangad ni Jenika na mag-perform sa iba pang bansa.
