Magkasintahan ba sina Sheryn Regis at Mel de Guia?
Ito ang gulat na reaksiyon ng netizens matapos mapanood ang sweet TikTok video ng dalawa ngayong Huwebes, December 2.
Si Sheryn ay kilalang OPM singer.
Dalawang dekada siyang nanirahan sa U.S. bago bumalik dito sa Pilipinas noong 2020. Ipinahiwatig niya noon sa isang TV interview na hiwalay na sila ng kanyang mister.
Si Mel ay isang YouTuber at proud member ng LGBT (lesbian, gay, bisexual, at transgender) community.
Nakilala sa online world si Mel dahil sa "The Ulagas," ang YouTube channel nila ng dating kasintahan at model na si Nicole Mendoza.
Agaw-pansin ang dubsmash video nina Mel at Sheryn sa TikTok.
Nauna si Sheryn sa pagsabay sa dub na nagsasabing, "Love yourself."
Saka lumabas sa frame ng camera si Mel at sinabayan ang dub na nagsabing, "Tapos ako next."
Masuyong hinalikan ni Mel sa pisngi si Sheryn at saka sila sumayaw nang magkayap sa saliw ng kantang "Mr. Kupido."
Todo ngiti ang dalawa na waring puno ng kilig.
NETIZENS' REACTIONS
Hindi naka-tag si Sheryn sa post ni Mel pero mabilis na namukhaan ng netizens ang singer.
Sunud-sunod ang komento ng netizens kung magkarelasyon na ba ang mga ito.
Kapansin-pansin namang ni-like lahat ni Mel ang lahat ng nagtanong kung sila na ba ni Sheryn.

Ni-like din ni Mel ang komento ng netizen na nakakita raw sa kanyang may kasamang babae noong nakaraang Linggo.

Napansin pa ng iba na tugma ang lugar sa TikTok video ni Mel sa latest Instagram Story ni Sheryn.

Kung anu't ano man, kinilig ang supporters ni Mel na makitang masaya sila ni Sheryn.
Panunukso pa ng isang netizen, "jowa reveal na."

MEL AND NICOLE'S BREAKUP
Marami ring followers si Mel na nagsabing nagulat silang makitang may bago na itong pag-ibig.

Bandang September 2021 nang kumalat sa online world na hiwalay na si Mel at kasintahang si Nicole.
Noong buwan iyon ay tila burado na ang YouTube channel nila, at gumawa ng bagong solong channel si Mel.

Ayon naman sa ibang netizen, maging si Nicole ay masaya na rin sa piling ng bago nitong karelasyon na isang miyembro ng U.S. Air Force.
