Personal na nasaksihan ni Tom Rodriguez ang pananalasa ng Bagyon Odette na tumama sa Cebu, Bohol, Surigao, at Palawan.
Hindi malinaw kung saan ang eksaktong lokasyon ni Tom.
Pero kagabi, December 16, nag-post siya sa Instagram ng video kunsaan makikitang nasa loob siya ng isang hotel.
Nakasuot ng cap at mask si Tom, na humarap din sa camera para ipaliwanag ang kanyang sitwasyon.
"May kasal dito pero pinaakyat na lahat dito for everyone's safety. Pinapapunta lahat sa ballroom," ani Tom.

Ipinakita niya na siya at ang iba pang hotel guests ay nagtipon sa ballroom na nagsilbing evacuation area.
Maririnig pa ang tunog ng party music sa ginanap na wedding reception.

Bago siya umakyat ng ballroom, may kuha rin si Tom noong siya ay nasa hotel lobby pa lamang.
Kinunan niya ang glass door sa main entrance kunsaan masisilip ang malakas na pag-ulan at paghampas ng hangin.

Ayon kay Tom, may wooden bar na ihinarang sa pintuan bilang proteksiyon sa malakas na hangin.
Pero "nabali" raw ang kahoy dahil sa lakas ng hampas ng hangin.
"Bumukas... Muntik mabasag. Nabali yung harang na kahoy," aniya.

Habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang bagong update ang Kapuso actor.
