Ikinuwento ni Tom Rodriguez na na-stranded siya sa Cebu City kasunod ng pagtama ng Super Typhoon Odette isang linggo na ang nakakaraan.
Maraming mga Pilipino ngayon ang nangangailangan ng tulong kasunod ng malaking pinsalang idinulot ng Bagyong Odette, partikular sa Visayas at Mindanao.
Sa kasagsagan ng bagyo, nag-post pa ng video si Tom at nagdetalye tungkol sa pagpapapasok sa kanila sa hotel dahil sa sobrang lakas ng hangin at ulan sa labas.
Hindi nabanggit ni Tom kung saan ang kanyang kinaroroonan.
Pero sa mga sumunod na posts ng Kapuso actor, siya ay nasa Cebu, isang lugar na nakaranas din ng matinding hagupit ni Odette.
Matapos ang bagyo, sumunod niyang ipinost ang series of photos na nagpapakita ng malaking pinsala tinamo ng Cebu dahil sa bagyo.
Sa post ng Kapuso actor, naikuwento niyang hindi niya nasagot agad ang mga taong nag-aalala sa kanya dahil nga nawalan ng Internet.
Post ni Tom pagkatapos ng bagyo, “But I am physically fine.
“Please help me pray for our brothers and sisters who didn’t fare so well. Marami sa kanila nawalan ng bahay at walang pagkain at tubig.
“I am in awe with the Cebuano spirit na nagkaisa lahat kagabi sa Hotel to make sure the doors don’t give in para magflood sa loob at magcause ng panic.”
Sa comments section, nagkomento ang isang netizen na hindi pala nakabalik ng Maynila si Tom.
Anang aktor, na-stranded siya sa Cebu dahil nasira ang airport.
Bahagya ring nabanggit ni Tom ang pakay niya sa Cebu, at iyon ay tulungan ang mga katutubo.
Sagot ni Tom (published as is): “no flights out, sira ang airport at masyadong maraming mga katutubo at mga cebuanos na nangangailangan ng tulong.
“Yung mga lumad tribes na tinutulungan namin dito the past few weeks mas lalong naghirap dahil kay Odette.”

TOM'S BEFORE-AND-AFTER EXPERIENCE
Ngayong gabi, December 23, 2021, muling nag-post si Tom. Ang kanyang Check In ay Cebu City.
Pero ang ipinost niyang video ay throwback video bago nangyari ang bagyo.
Video ito ng dalawang aso na lumapit sa kanya nang kumain siya sa isang dampa sa Cebu.
Kuwento ni Tom, matapos ang bagyo, binalikan niya ang lugar para tingnan ang dalawang aso at ang shop owners.
Lubos daw nasira ang lugar. HIndi na niya nakita ang dalawang aso at nasira ang mga shops.
Emosyonal na post ni Tom, nagdarasal siya na sana ay makabawi at muling makabangon ang Cebu matapos ang matinding pinsala.
Bahagi ng post ni Tom: "Praying for the safety of these pups and everyone else who lost not only their loved ones, but also their homes and livelihood...
"Hindi ko na alam kung possible pa bang mabuo ulit ang mga nasira o kung talagang pagsisimula muli ang tamang daan.
"Lord I pray that you give us all some guidance during these harrowing times."
