Isa si Allyson Salvador, local tourist sa Siargao, sa nakasaksi kung paano winasak ng bagyong Odette ang isla na itinuturing na surfing center ng Pilipinas.
Naibahagi ni Allyson sa Summit OG ang kanyang naging karanasan.
Nasa Tropical Temple Siargao Resort siya at ang dalawa pang kaibigan nang mag-landfall si Odette noong October 16, 2021.

Kuwento niya, naka-attend pa umano siya ng kanyang klase noong umaga.
“Kasi synchronous online class kami 'tapos umuulan lang and then medyo malakas yung hangin. Around 11 a.m., nawalan ng signal, nawalan ng kuryente, nawalan ng water.”
Pagbabalik-tanaw pa niya, hindi sila masyadong nagpa-panic noong simula.
“Kasi umuulan lang naman.”
Masuwerte sila na ang kuwarto na kanilang inuokupa ay tumutulo lang ang bubong.
Ang hindi nila alam, ang katabing kuwarto nila ay nilipad na ng hangin ang mga yero. Ang kisame naman ng katapat nila ay bumagsak na.
Bandang 11:30 a.m. ay inilikas na sina Allyson at ang iba pang tao sa resort sa isang dorm type area na walang bintana.
“Sobrang init niya 'tapos tumutulo rin siya, so, basa... But okey naman kasi hindi naman nahahanginan kaya safe kami doon.”
NAUBUSAN NG PAGKAIN AT TUBIG
Bandang alas dos ng hapon ay wala nang tigil ang malakas na buhos ng ulan. Pagsapit ng alas singko, binalot na ang Siargao ng kadiliman.
“Wala kaming kuryente 'tapos may emergency light sila, pero maliit lang kasi siyempre medyo madami kaming tao,” ani Allyson.
Kinagabihan, na-realize nila na wala silang pagkain. Ang meron lang sila sa Tropical Temple Resort ay kaunting bigas, de-lata at manok.

“Pinagkasya nila for almost fifty people [yung food] kasi yung katabi naming place na Laughing Parrot Resort, pure glass sila at nabasag kaya yung mga people na nag-i-stay doon, nag-evacuate din sa amin.”
Pagsapit ng hatinggabi, wala na silang bigas at tubig.
Napakadilim ng paligid, na-trap sila, at walang naririnig sa labas.
NASAKSIHAN ANG MATINDING PINSALA
Kinabukasan, alas singko ng umaga matapos manalasa ang bagyo ay nagsimula na silang maglakad.
“Pagkalabas namin, nakita namin lahat ng roads, hindi mo na siya madadaanan,” ani Allyson.
Anim na oras silang naglakad sa pagbabakasasakaling makahanap ng signal.
Nagpunta umano sila sa bahay ng mayor.
“And wala rin silang masabi sa amin. Hindi namin alam kung kailan kami magkaka-signal. Basta sabi nila not anytime soon.
“All they can say is we have to wait kasi baka daw by tomorrow or the next day, parang may mag-rounds na daw na helicopter at doon pa lang kami magkaka-hope kung ano mangyayari sa amin.”
Nagbalik sila sa resort. Wala pa ring supply ng tubig.
Nagdesisyon si Allyson na maligo sa beach, at eksakto namang nakasalubong niya ang isa niyang uncle na taga-Siargao.
Kuwento niya, “Nagka-cross yung path namin. That was the first time na umiyak ako kasi nakita ko yung tito ko.
“Buhay pa ako, buhay pa siya, okey pa kaming dalawa. Sabi niya sa akin, kukunin niya ko when everything is okay.”
NALUNGKOT SA SINAPIT NG SIARGAO
Ani Allyson ay sobra siyang nalungkot sa nangyari sa Siargao na direktang tinamaan ng bagyo.
Naobserbahan kasi niya na unti-unti pa lang sumisigla ang turismo roon matapos ang mga lockdown.
“Kasi kaka-open lang nila with tourists, tapos heto na naman.”
Wala talaga aniyang natira sa isla.
“Super wiped out. Heartbreaking siya for me kasi talagang kino-consider ko siya as second home.”

Nananawagan siya ng tulong para sa Siargao at sa mga residente ng isla.
“I am really asking for everyone's help. If you have something to spare, puwede kayong mag-donate with different trusted channels.
“Hindi lang naman monetary yung hinihingi nila. They are also asking for in-kind donations.
"Siargao needs our help right now,” pakiusap pa niya.
Panoorin ang kabuuan ng kuwento ni Allyson at kung gaano kalawak ang pinsalang tinamo ng Siargao sa Summit OG video na ito:
Subscribe to the channel here. Watch more OG videos here.
Also, you can use these Adidas PH promo codes when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.