Inamin din sa wakas ni Raymond Gutierrez na minsan siyang lumabas sa telefantasya noon ng kambal niyang si Richard Gutierrez na Sugo. Ang Sugo ay ipinalabas noong 2005 sa GMA-7 kung saan gumanap si Richard bilang kambal na pinaghiwalay ng tadhana, sina Miguel at Amante.
Inamin ito ni Raymond habang naka-strap sa lie detector machine at mismong si Richard ang nagtanong sa kanya sa birthday special ng huli na A Handsome Journey, na ipinalabas kagabi, February 2, sa GMA-7.
Ilang beses kasing nag-deny noon si Raymond na lumabas siya sa Sugo dahil wala raw siyang hilig sa acting at pang-TV hosting lang siya. Pero noong aminin niya ay nagbigay naman siya ng explanation.
Noong mga panahong 'yon ay wala pa raw siyang regular na trabaho at nakiusap daw sa kanya si Richard, pati na ang production staff ng Sugo, na lumabas si Raymond bilang kambal ng character ni Richard sa Sugo. Nagmamadali raw kasi silang matapos ang ilang episodes ng Sugo at kung kukunan pa raw nila si Richard sa dalawang roles nito sa isang confrontation scene ay aabutin daw sila ng 24 hours bago matapos ang isang eksena lang.
Ayon sa isang source na konektado noon sa production staff ng Sugo, binayaran si Raymond ng P50,000 para sa isang taping day niya. Pumayag si Raymond dahil bukod sa nakiusap sa kanya ang kanyang kambal, sayang din daw ang ibabayad sa kanya for that one taping day.
Pero sa totoo lang ay wala talagang hilig si Raymond sa pag-arte. Mas concentrated ito sa pagiging host at mahusay naman niyang nagagampanan ito sa Showbiz Central, SOP, and Living It Up sa QTV-11. Ngayon, siya ang napili ng GMA-7 na maging host ng Philippine version ng American Idol, ang Pinoy Idol na malapit nang magsimula.
