Tandang-tanda pa ni Edu Manzano, 66, na naranasan niyang mapagalitan ng kilalang director-writer na si Jose Javier Reyes, 67.
Naging professor ni Edu si Reyes noong panahong nag-aral ang aktor ng kursong Economics sa De La Salle University.
Scholar athlete si Edu at madalas na nale-late sa klase ni Reyes kaya binigyan siya nito ng ultimatum. Varsity player si Edu sa basketball team at captain ng judo team.
Hanggang sa muntik na naman ma-late si Edu matapos ang kanyang training.
Ikinuwento ito ng mag-amang Edu at Luis sa YouTube video ni Luis kahapon, January 5.
"Si Daddy, varsity dati ng La Salle. Alam niyo ba si Daddy ang kauna-unahang pumasok sa classroom nang nakatuwalya lang?" natatawang bungad ni Luis.
Panlalaglag pa ni Luis, "Ang teacher ni Daddy nung time na yun ay si Joey Javier Reyes.
"Taposs, abi ni Direk Joey, kapag na-late pa siya ng isang beses, drop na yung class niya. E, kailangan niya kasi varsity. E, napasarap ligo mo after practice."
Patuloy na kuwento ni Edu, "E, nag-ring na yung bell. E, sabi nga niya, 'Isang beses lang na ma-late ka, talagang wala, ida-drop kita.' E, three units yun. Malalagot yung scholarship."
Kaya sa takot na ma-late at mawala ang kanyang scholarship, dali-dali siyang pumasok ng klase na tuwalya lamang ang suot.
"So, napilitan ako umakyat kaagad ng klase. Tumakbo na nakatuwalya lang. Tapos pagpasok nang nakatuwalya, sabi ni Joey, 'Ano ka, nagpapatawa? Ano ka, komedyante?'
"'Hindi, ho. Ganito, ganyan. Sabi niya, 'O, sige, sige! Diyan ka na! Umupo ka na!'"
Akala ni Edu ay nakaligtas na siya nang walang parusa mula kay Reyes.
"So, umupo ako sa upuan ko. Ang ginawa niya, 'Hindi! Dun ka sa isang upuan. Yung pinakamalapit na aircon.'
"So, dinikit ako. Dun ako naupo buong klase. Tatlong araw ako nagkasakit!" natatawang lahad ni Edu.
Biro naman ni Luis, kung sa kanya nangyari yun ay baka nag-bold na lang siya.
Aniya, "Ako, gagawin ko iyan. Pero yung tuwalya sa ulo ko ilalagay. Dito, bahala na ang lahat!"
Hirit ni Edu, "Bimpo lang nilagay ko, ha!"
"Hindi, tissue!" birong sabi ulit ni Luis.
Use these Klook promo codes when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.
