Hindi hinayaan ni Daniel Padilla na mabahiran ng intriga ang solid na relasyon nila ng nobyang si Kathryn Bernardo.
Kahapon, January 6, 2022, tila nabigyan ng malisya ang litrato kunsaan namataan si Barbie Imperial kasama ang ina ni Daniel na si Karla Estrada at kapatid ni Daniel na si Magui Ford.
Kuha iyon sa tapat ng bahay nina Daniel at Karla.

Kinuha itong screengrab mula sa video ng comedian na si Chad Kinis nang mangaroling ang grupong Beks Batallion kay Karla noong December 27.
Wala si Daniel sa video.

Pero kinuwestiyon ng intrigerong netizen kung bakit naroon si Barbie sa bahay nina Daniel at Karla.
Tanong nito: May namamagitan ba kina Barbie at Daniel?

Hindi ito pinalampas ng solid fans nina Kathryn at Daniel o kilala sa uniname na KathNiel.
DANIEL CALLS IT A "NONSENSE" ISSUE
Ipinakita ng Solid KathNiel fan page sa Instagram ang pakikipagpalitan nito ng mensahe kay Daniel.
Nag-post kasi ang Solid KathNiel fan page ng litrato nina Daniel at Kathryn na may hawak na bats sa isang break room.
Nilagyan nila ito ng caption na "ANG BUMANGGA, GIBA."
Hindi man tuwirang nabanggit ang intrigerong netizen na nagpakalat ng litrato ni Barbie sa bahay nina Daniel at Karla, malinaw na ito ang isyu na tinutukoy ng fans.
Nag-reply rito si Daniel.
Nagpasalamat ang aktor sa pagtatanggol ng fans sa kanila ni Kathryn.
Pero idiniin niyang walang dapat ipag-alala ang mga ito.
Sabi ni Daniel: Salamat haha
"Pero wag niyo ng pansinin yun.
"Nonesense."

Sa hiwalay na Instagram Story ni Daniel ngayong Martes, January 7, inulit niya na "irrelevant" at "nonsense" ang pang-iintriga sa kanya ng isang taong "wala lang magawa."
Ni hindi raw nga dapat itong makunsidera na "cheating speculation."

KATHRYN ON "ALAGANG FORD"
Lalo pang kinilig ang KathNiel fans nang mag-tweet si MJ Lastimosa ng palitan nila ng mensahe ni Kathryn Bernardo.
Hindi malinaw ang context ng usapan ng dalawa.
Pero sabi ni Kathryn, "Hahahaha gagii [laughing emoji] alagang ford po opo."
Ang ibig sabihin ng "alagang ford" ay alagang Daniel dahil ang tunay na pangalan ng aktor ay Daniel John Elago Ford.

Labis iyong ikinatuwa ng KathNiel fans.
Iginiit din nilang hindi uubra ang pang-iintriga sa relasyon nina Daniel at Kathryn.


