Sa unang pagkakataon ay naging bukas si IC Mendoza tungkol sa relasyon nila ng kanyang boyfriend na si Rick Antoni Parco Tropicales.
Si Rick ang isa sa mga biyayang natanggap ni IC sa panahon ng coronavirus pandemic dahil nagkakilala sila noong 2021 sa pamamagitan ng isang dating app sa Facebook.
“I met him sa FB dating app during the hard lockdown last year. Puro kami usap at chat for months kasi nga lockdown nga so we can’t see each other pa.
“Akala ko it would not last long, but sobrang consistent niya.
"First time we met, may spark na agad. And he brought flowers. Gandaaaaa yarn?” nakakaaliw na salaysay ni IC tungkol sa kanyang love life sa exclusive interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Paglalarawan pa ng former child star, “I am 34 years old, he’s 26. He's in Med school and taking the board next year.
"He’s maalaga, humble, cute, without even trying. Malambing and consistent. We call each other hon/honey."
Naranasan na noon ni IC na makipagrelasyon sa ibang mga lalake. Pero para sa kanya, kakaiba si Rick dahil ito raw ang kasagutan sa mga dasal niya.
Saad niya, “Of all the guys I've dated or had a relationship with, I can honestly say na iba ito.
“It just feels so right. Hindi pilit at walang bahid ng pag-aalinlangan. It's the love I've been praying for. Saveeeh?!”
Ano ang mga pagbabago sa buhay at pagkatao niya mula nang magkaroon sila ng relasyon ni Rick?
Sagot ni IC, “Mas naging behave ako. Mabuting asawa ang peg, hahaha! But seriously, I'm inspired.”
Si Rick na ba ang "the one" para sa kanya?
“I really hope so…” asam ni IC.
Napag-uusapan na ba nila ang pagpapakasal at gaano siya kaligaya ngayon?
“Too early pa, but I definitely wanna get married one day," sagot ni IC.
“Gaano kaligaya? On a scale of 1 to 10. It's a 16.5! Hahaha!
“I'm really happy with all the aspects of my life. Mapa-love life man or career, I’m at my best.”
IC'S OWN COMPANY
Magandang halimbawa si IC sa mga kapwa artista nito dahil napatunayan niyang may ibang mundo bukod sa show business na kanyang kinalakihan.
Si IC ang Chief Executive Officer at Head of Talent Strategy ng In Circle, isang successful marketing agency na itinatag niya noong 2015.
Mula sa dalawang tauhan, mabilis na lumago ang kompanya ni IC na meron na ngayong tatlumpong empleyado.
“We are a data-driven influencer marketing agency that thrives at the intersection between brands and content creators.
“We handle brands like Grab, Maxicare, CDO FoodSphere, Lazada, Kojie San, etc.
“We started it in 2015 dalawa lang kami, now I am very proud to say that we are almost 30 people in the team,” pagpapakilala ni IC sa kanyang kompanya na pinag-uukulan niya sa kasalukuyan ng panahon at atensyon.

FORMER CHILD STAR
Tatlong taon si IC nang mag-umpisa noong 1991 ang kanyang acting career bilang child actor, pero nagpahinga sa pag-arte nang tumuntong siya sa awkward age na normal na nangyayari sa buhay ng mga child star.
Muling naging aktibo si IC sa showbiz noong 2006 dahil sunud-sunod ang kanyang mga pelikula at mga television show hanggang magtatag siya ng sariling kompanya na nakaapekto sa entertainment career niya.
May plano pa ba siyang pagbuhusan ng panahon ang kanyang showbiz career?
Sagot ni IC, “Hindi na rin kaya ng time ko even if I wanted to, but I do guestings and talks naman if my schedule allows. I'm very active on social media so dun na lang tayo magtsismisan."
Kasunod nito ay nagkuwento si IC tungkol sa kanyang pagiging child actor noon.
Lahad niya, “I started three years old as a baby gurl, haha! Last movie project ko was Die Beautiful [2016].
“It was a happy childhood. Never ko inisip that I was working before because I really enjoyed it.
"I thought it was normal. Akala ko lahat ng bata umaarte sa harap ng camera."
Hindi lamang magaling umarte si IC dahil mahusay at witty rin siya na talk show host, isang talentong hindi maipagkakailang namana ng former child actor mula sa kanyang yumaong lola, ang Queen of Intrigues na si Inday Badiday, at sa nanay niyang si Dolly Anne Carvajal.
Ang hosting job sa showbiz talk show na Juicy ng TV5 ang isa sa mga hindi makalilimutang karanasan ni IC dahil lalong nahasa ang kanyang husay sa pagsasalita at pakikipag-usap sa mga tao na nagagamit niya ngayon bilang CEO ng In Circle.
“I was able to hone my people and communication skills through all of the interviews I did. Had some very memorable interviews with people that I look up to, like Ate Vilma Santos and Tito Boy Abunda.”