Minsan na palang naimbitahan si Vice Ganda na tumakbo sa pulitika.
Ibinahagi ito ni Vice sa interview sa kanya ni Dra. Vicki Belo sa vlog ng cosmetic surgeon noong Huwebes, January 20.
Sa vlog ay kumalap si Dra. Vicki ng mga katanungan para kay Vice na galing sa mga kapwa niya celebrity.
Si Derek Ramsay ang nagtanong kung may plano ba si Vice na pumasok sa pulitika.
Sagot ni Vice, “Politics… sa ngayon, ha? Siyempre, I cannot sabihin never, baka lamunin ko… hindi ko alam.
“Pero sa ngayon, no.”
Tinanong naman siya ni Vicki kung may nag-alok na ba sa kanyang tumakbo sa eleksyon.
Nakangiting sagot ni Vice, “Yeah.”
Pero nang tanungin na siya ni Vicki kung anong posisyon, tumanggi si Vice na magbigay pa ng detalye dito maliban sa naloka raw siya sa inialok.
Sabi niya, “Ay! Basta mataas na posisyon. Mataas na posisyon na naloka ako pero no, no, no!”
Ayon kay Vice, alam niyang may posibilidad na manalo siya, pero hindi raw ito lehitimong rason upang pasukin ang isang bagay kung saan hindi siya magaling.
Paliwanag niya, “Hindi ako magaling doon. Puwede akong manalo, feeling ko puwede akong manalo kasi marami akong followers, marami akong fans.
“Baka maraming bumoto sa ‘kin, maraming natutuwa sa akin.
“Pero ako, sa sarili ko, ngayon, hindi ako magaling doon. So, bakit ako pupunta doon?
“Ano, ipapahamak ko ang Pilipinas, di ba? Not because you can win, you will run. No, hindi ganun!”
Sabi naman ni Vicki, natutulungan naman daw ni Vice ang maraming Pilipino sa pamamagitan ng kanyang talento sa pagpapatawa.
Ani Vicki, “You help Filipinos a lot by making us laugh in times of hardships, by inspiring us with words of wisdom.
“And your life is an inspiration kasi, di ba? You’ve gone from where you lived before, Tambunting, all the way up. The way you talk about it, kayang-kaya.”
